top of page

Lato-lato, delikadong paglaruan ng mga bata

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jun 18, 2023
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | June 18, 2023


Delikado ang pagbili at paggamit ng laruang pambata na lato-lato dahil hindi ito dumaan sa pagsusuri.


Ito ang naging babala ng Food and Drug Administration (FDA) sa inilabas na Public Health Warning Advisory, kung saan tinukoy nito ang unlabeled green lato-lato, pro-clackers (lato-lato) na may ilaw at lato-lato na ibinebenta sa isang online shopping platform na walang certificate of product notification kaya hindi tiyak ang kalidad at kaligtasan ng nasabing laruan lalo na sa mga bata.


Ayon kay Thony Dizon, ng BAN Toxics, mainam ang ginawa ng FDA na mag-isyu ng public health warning dahil mapipigilan nito ang ilang potential safety concerns sa mga bata dahil maaari itong maka-choke, magdulot ng eye-injury, at strangulation o makasakal sa tali nito.


Hinimok naman ng toxic watchdog group ang ilang regulatory agencies, gayundin ang mga local government units na mahigpit na ipatupad ang advisories at kumpiskahin ang mga unregistered lato-lato toys.


Nanawagan din si Dizon sa mga vendors na itigil na ang pagbebenta ng laruang lato-lato lalo na sa mga kabataan.


Una nang nagbabala ang BAN Toxics sa publiko sa pagbili ng mga laruang pambata gaya ng lato-lato dahil karamihan sa mga ito ay walang tamang labelling at cautionary statement na maituturing na paglabag sa Republic Act 10620 o Toy and Game Safety Labeling Act of 2013.


Kung minsan may mga laruan talaga na hindi nakabubuti at nagiging banta pa nga sa mga bata.


Mabuti at agad na nadidiskubre ng ilang mga grupo ang mga ganitong klase ng laruan.


Mabilis din ang pag-aksyon ng kinauukulan sa paglalabas ng mga kinakailangang warning sa publiko.


Marahil, tayong mga magulang ay dapat na marunong at maalam sa mga bagay na mas makabubuti para sa ating mga anak. Hindi ‘yung basta na lang bibili dahil uso at masisiyahan ang mga ito. Maging mapanuri sana lagi tayo sa lahat ng oras.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page