Laos na nga ang COVID-19, gusto pang pasikatin ng IATF
- BULGAR
- Apr 25, 2023
- 2 min read
ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | April 25, 2023
BAWASAN NG MGA TRAPO ANG KANILANG CONFIDENTIAL FUNDS AT PORK BARREL, SOLVED ANG PROBLEMA SA KURYENTE NG OCC. MINDORO—Palala nang palala ang kakapusan ng power supply sa Occidental Mindoro dahil ang dating 4 oras na rotating brownout sa lalawigan ay hahantong na raw sa 6 hanggang 8 oras kung hindi mareresolba ang problemang ito sa supply ng kuryente sa buong lalawigan.
Ang puno’t dulo ng problemang ito sa kuryente sa Occidental Mindoro ay ang hindi pagbabayad ng National Power Corporation (NAPOCOR) nang halos P1 billion subsidy sa power supply provider na Occidental Mindoro Consolidated Power Corporation (OMCPC), na naging dahilan kaya laging kapos ang power supply na naipagkakaloob nito sa Occidental Mindoro Electric Cooperative (OMECO), na siya namang namamahala sa pagsu-supply ng kuryente sa lalawigan.
Sa totoo lang, kaya namang resolbahin ng mga pulitiko ang problemang ‘yan. Kung totoong may malasakit sila sa mamamayan, magkaisa silang mga traditional politicians (trapo) na bawasan ang kanilang mga confidential funds at pork barrel para makalikom ng P1-B at ito ang ibayad sa OMCPC. Kapag nagawa nila ‘yan ay solb ang problema sa supply ng kuryente sa Occidental Mindoro, period!
◘◘◘
‘WAG NANG PASIKATIN ANG LAOS NA COVID-19—Dahil daw sa dami ng tinatamaan ng COVID-19, magpapairal na naman umano ng mahigpit na health protocol ang COVID-19-Inter-Agency Task Force (IATF) sa ilang piling lugar sa Pilipinas.
Pambihira naman ‘tong mga taga-IATF ng Malacañang, laos na nga ang COVID-19 kaya hindi na pinapansin ‘yan ng publiko, eh, gusto pang pasikatin ulit. Boom!
◘◘◘
MGA TAGA-MALACAÑANG LANG ANG HAPPY SA ‘KONSYERTO SA PALASYO’ PERO ANG PUBLIKO, ‘DI HAPI—Kung happy ang mga taga-Malacañang sa idinaos nilang ‘Konsyerto sa Palasyo’ noong nakalipas na Sabado, nabuwisit naman dito ang mamamayan.
Ang dami kasing problema ng bansa— pagkabaon sa utang, mataas na inflation rate, milyun-milyon ang jobless, paglaganap ng droga at talamak na korup, pero nagawa pa ng gobyerno na gumasta para sa Konsyerto sa Palasyo. Buset!
◘◘◘
‘PAG NASUNDAN PA ANG ‘KONSYERTO SA PALASYO’, MABA-BASH NA ANG MARCOS ADMIN—Sana, ang idinaos na ‘Konsyerto sa Palasyo’ ay una at huling pa-concert na ng Marcos admin dahil sa totoo lang, hindi naman ito nakakatulong para lutasin ang mga problema ng bansa.
Kapag ang ‘Konsyerto sa Palasyo’ ay nasundan pa, asahan nang puputaktihin na naman ng pamba-bash ng netizens ang Marcos administration, period!





Comments