top of page

Laoag, Batangas at Mandaue opening venue ng Milo Marathon

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Mar 19, 2024
  • 2 min read

ni Anthony Servinio @Sports | March 19, 2024



ree


Hindi isa kundi tatlong lungsod – Laoag, Batangas at Mandaue – ang sabay- sabay magsisilbing mga punong abala sa engrandeng pagbubukas ng 2024 MILO Marathon ngayong Abril 7!  Ito ang unang pagkakataon na magaganap ito para sa bagong kabanata ng mahabang kasaysayan ng numero uno at pinakaprestihiyosong karera sa bansa. 

       

Matapos ang pandemya, balik sa kinagawiang kalendaryo ang patakbo.  Kasunod ng tatlong pambungad na yugto, susunod ang inaabangang Metro Manila Leg sa Abril 28 sa Mall of Asia at 10 iba pang qualifier sa lahat ng sulok ng Pilipinas patungong National Finals sa Cagayan de Oro sa Disyembre 1. 

       

Bilang paghahanda, nagdaos ang tagapangasiwa ng serye Runrio ng isang pampublikong ensayo noong Marso 17 sa Ayala Triangle ng Makati City. Sa pangunguna nina Coach Rio dela Cruz at Coach Jenny Guerrero, iginiit nila ang halaga ng preparasyon para sa kahit anong distansiya na lalahukan sa 42, 21, 10, lima, tatlo o isang kilometro.

       

Dagdag ni Coach Rio, plano nilang gawing regular ang pagdaos ng mga kaparehong ensayo.  Maaaring antabayanan ang mga petsa at lugar sa social media ng Runrio at MILO. 

        

Ginaganap na ang pagpapalista online sa Race Roster.  Abangan din ang pagpapalista ng mga lokal na organizer sa mga yugto sa mga lalawigan. Ang iba pang mga karera sa Luzon ay Puerto Princesa (Mayo 12), Legazpi (Hunyo 2), Imus (Setyembre 22) at Tarlac (Nobyember 24).  Ang mga karera sa Visayas at Mindanao ay sa Tagbilaran (Setyembre 29), Roxas (Oktubre 6), Iloilo (Oktubre 20), Bacolod (Oktubre 27), General Santos (Nobyembre 10) at Davao (Nobyembre 17). 

       

Samantala, magsisimula rin sa Abril 7 ang inaabangang Hoka Trilogy Run Asia sa MOA.  Ang malaking pagbabago ngayong taon ay hindi lang sa Metro Manila gaganapin ang mga karera kundi pati rin sa mga lalawigan at mga bansa sa Timog Silangang Asya.  


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page