Langit, pahiwatig na makakaahon sa paghihirap; impiyerno, babala ng pagkalugi sa negosyo
- BULGAR
- Mar 20, 2021
- 2 min read
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | March 20, 2021

KATANUNGAN
Ang kasalukuyan ko na bang boyfriend ang makakatuluyan ko? Sa totoo lang, parang mag-asawa na kami at kahit ano’ng iwas ang gawin ko, nangyayari at nangyayari ang pagtatalik namin at habang tumatagal ay lalong dumadalas. Isa pa, mahal na mahal namin ang isa’t isa.
Kaya lang, minsan ay natatakot din akong mabuntis, pero sabi niya, kapag nabuntis ako ay magpapakasal agad kami.
Nais kong malaman, Maestro, kung tototohanin ba ng boyfriend ko ang kanyang pangako at kami na ba ang magkakatuluyan?
KASAGUTAN
Ang pinakamabuti mong magagawa ngayon ay dumistansya nang bahagya sa boyfriend mo, sapagkat posibleng hindi kayo magkatuluyan kung siya ang first meaningful at first long engagement mo.
Ito ang nais ipahiwatig at sabihin ng medyo nag-split o nabiyak na unang Marriage Line (1-M arrow a.) kung ikukumpara sa ikalawang mas malinaw, makapal at mahabang Marriage Line (Drawing A. at B. 2-M arrow b.), na madali namang kinumpirma ng naputol na parang nabiyak na nagkabilog na Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow c.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda ng isang matindi-tinding kabiguan sa pag-ibig ang darating sa iyong karanasan, upang pagkatapos nito, sa ikalawang pakikipagrelasyon, ‘ika nga ay medyo natuto ka na ng leksiyon— kung saan hindi porke nagka-boyfriend ay bibigay ka nang bibigay gayung hindi mo pa naman tiyak na siya na ang mapapangasawa at makakasama mo habambuhay.
Sa madaling salita, Mayang, kung hindi ka pa nabibigo sa pag-ibig, may posibilidad na sa kasalukuyan mong boyfriend magaganap ang pagkasiphayo at matinding kalungkutang nais ipahayag ng pumangit na Heart Line (h-h arrow c.) sa kaliwa at kanan mong palad. Pero pagkatapos ng kabiguang ito, tulad ng naipaliwanag na, ang ikalawang mas magandang Marriage Line (2-M arrow b.) at naayos at gumanda ring Heart Line (h-h arrow d.) sa gitna hanggang sa dulong bahagi ng kaliwa at kanan mong palad ang nagsasabing, sa ikalawang pakikipagrelasyon, sa lalaking isinilang sa zodiac sign na Gemini, may pangako na ng isang maligaya at panghabambuhay na pag-aasawa.
MGA DAPAT GAWIN
Kung madalas na kayong nagtatalik ng boyfriend mo ngayon at natatakot kang mabuntis, mas mainam nang umiwas ka sa kanya dahil sa bandang huli, hindi rin siya ang iyong mapapangasawa, higit lalo kung siya ang una mong seryoso at totohanang naging nobyo.
Samantala, ayon sa iyong mga datos, Mayang, tulad ng nasabi na, sa ikalawang pag-ibig at pakikipagrelasyon, hatid ng isang lalaking isinilang sa zodiac sign na Gemini, matatamasa mo na ang mas maligaya at panghabambuhay na pagpapamilya, na nakatakdang mangyari at maganap sa 2023 sa edad mong 26 pataas.




Comments