- BULGAR
Lalarga sa Agosto ang mga astigin sa SLLP
ni Green Lantern - @Renda at Latigo | July 30, 2022
Kaabang-abang sa mga karerista ang buwan ng Agosto dahil may mga stakes races na sasalihan ng mga tigasing kabayo ang ilalarga.
Sa unang Linggo ng nabanggit na buwan ay aarangkada ang 2022 PHILRACOM 2-Year-Old Maiden Stakes race na pakakawalan sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Nominado ang magkakamping sina Love Radio at Noon Charm sa distansiyang 1,400 meter race.
Nakalaan ang guaranteed prize na P1M na ikakalat sa unang apat na kabayong tatawid sa finish line, ang ibang nagdeklara ng pagsali ay sina Jaguar, Malibu Bell, Secretary at Sky Magic.
Kukubrahin ng mananalong kabayo ang P600,000, sisikwatin ng pangalawa ang P225,000 habang ibubulsa ng 3rd at 4th placers ang tig-P125,000 at P50,000 ayon sa pagkakasunod.
Ayon sa komento ng mga karerista sa social media, magandang laban ang kanilang masisilayan dahil mga dekalidad na batang kabayo ang magtatagisan ng bilis.
"Tingin ko kailangang pag-aralan 'yung performances ng mga kasali sa kanilang takbo sa Novato," ayon kay Renato Pardillo, veteran karerista. "Magtanong-tanong sa mga trainers kaya palaliman ng koneksyon para malaman ang husay ng mga kasali."
Rerendahan nina John Alvin Guce at John Paul Guce sina Love Radio at Noon Charm sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon.
Samantala, bukas ang bakbakan ng walong mahuhusay na kabayo sa magaganap na Open Invitational Race for Imported & Local Horses na pasisibatin sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City sa Batangas.