top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Lalaking mas mataas ang social status, dapat makilala ng bebot na ayaw tumandang dalaga

Writer: BULGAR
BULGAR
Nov 5, 2021
3 min read

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| November 5, 2021



Dear Maestro,


Naisipan kong sumangguni sa inyo dahil nais kong malaman ang aking masuwerteng kulay, petsa, taon at kung kailan ako magkaka-boyfriend. Sa edad ko kasing 33 sa darating na Disyembre, nakakahiya mang aminin, pero hindi pa ako nagkaka-boyfriend kahit minsan, gayung may hitsura naman ako sabi ng nanay ko. December 9, 1988 ang birthday ko.


Umaasa,


Shane ng Santa Clara, Pila, Laguna

Dear Shane,


Ayon sa zodiac sign mong Sagittarius at birth date na 9, mapalad ka sa kulay na pula, pink, violet, lilac at iba pang kulay na hinango sa pula. Palagi kang magsuot ng nasabing mga kulay sa tuwing sasapit ang mga petsang 3, 12, 21, 30, 9, 18, 27, 6, 5 at 24, higit lalo kung ang nasabing mga petsa ay natapat sa araw ng Martes, Huwebes at Biyernes.


Bukod sa pula, mapalad ka rin sa kulay na berde, ayon naman sa destiny number mong 2, (12+9+1988=2009/ 20+09=29/ 2+9=11/ 1+1=2). Isuot mo ang kulay na berde tuwing sasapit ang mga petsang 7, 16, 25, 2, 11, 20, 29, 1, 10, 19, 28, 4, 13, 22 at 31, higit lalo kung ang nasabing mga petsa ay natapat sa araw ng Linggo, Sabado at Lunes.


Kusa namang iigting ang mabuting kapalaran mula sa ika-20 ng Marso hanggang ika-21 ng Abril, mula sa ika-20 ng Hulyo hanggang ika-21 ng Agosto at mula sa ika-20 ng Nobyembre hanggang ika-21 ng Disyembre.


Hinggil naman sa tanong na bakit sa edad mong magte-33 ay hindi ka pa nagkaka-boyfriend, gayung may hitsura ka naman, magara ka kasi sa pagpili ng lalaking mamahalin. Ang hinahanap mo sa isang lalaki ay ‘yung dadaig sa kakayahan mo.


Sa madaling salita, ‘yung lalaking mas magaling sa iyo, subalit ang kadalasang nangyayari, mga laos o mas magaling ka sa mga lalaking nanliligaw sa iyo, kaya wala kang magustuhan sa kanila.


Dahil dito, kung ikaw ay isang propesyunal, college graduate at may matatag na trabaho, siguradong ikaw ay pangkaraniwang empleyado, maaaring ang magiging boyfriend mo ay ang iyong supervisor.


Kung ikaw naman ay isang guro, maaaring ang maging boyfriend mo ay kapwa mo guro, pero nasa mas mataas na posisyon o isa sa anak ng may-ari ng inyong eskuwelahan ang magiging boyfriend at maaari mo ring mapangasawa.


Ganu’n kasi ang pangkaraniwang nangyayari sa kasaysayan ng mga taong under sa zodiac sign na Sagittarius, na may birth date pang 9, 12, 21, 18 at 27, naghahanap sila ng lalaki o babae, sa panahong gusto na nilang makipagrelasyon na mas mataas ang social status sa kanila. Kaya minsan, natatagalan silang magka-boyfriend at makapag-asawa.


Hindi kasi matanggap ng ego o pride nila na ang magiging asawa o boyfriend nila ay laos, walang kuwenta o under pa nila ang aspetong propesyon at lipunan. Kaya ang kadalasang nagiging boyfriend o girlfriend at napapangasawa ng mga Sagittarius, kung hindi nila ka-level sa pinansiyal o propesyon, tulad ng nasabi na, mas mayaman sa kanila o may mataas na ranggo o posisyon sa kanila sa isang kumpanya o opisina.


Samantala, ayon sa iyong Love Calendar, sa susunod na taong 2022, bago sumapit ang edad mong 34, magkaka-boyfriend ka na. Kapag ang naging boyfriend mo ay mas mataas na social status sa lipunang inyong ginagalawan, siya na ang mapapangasawa mo, ngunit kung hindi, maghihiwalay din kayo upang kapag nagka-boyfriend ka muli, hahanap ka ng mas magaling sa iyo. Sa bandang huli, ang lalaking ito na higit sa iyo ang katayuan sa lipunan, propesyon at aspetong pinansiyal ang nakatakda mo nang mapangasawa at makasama sa pagbuo ng maligaya at panghabambuhay na pamilya, na magaganap sa taong 2024 bago sumapit ang edad mong 36.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page