Lalaki at iba pang nagpanggap na opisyal ng gobyerno, timbog sa Pasay
- BULGAR
- Mar 13, 2024
- 1 min read
ni Angela Fernando - Trainee @News | March 13, 2024

Tiklo ang isang lalaki at iba pang kasamahan nito sa Pasay City matapos na magpanggap na opisyal ng gobyerno at mang-blackmail ng mga negosyante na ipapasara ang kanilang mga establisyimento kung hindi makakapag-abot ng "padulas."
Na-hulicam sa isang undercover video na kumakain ang suspek sa isang restaurant nu'ng Martes ng gabi at may kausap na hindi nahagip ng camera.
Isa itong operasyong ikinasa ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDG) upang mahuli ang suspek.
Hinuli ang lalaki sa kasong robbery at pangongotong matapos na makumpirma ang pagtanggap nito ng pera mula sa kausap.
Kasunod na nadakip ng mga otoridad ang mga kasama ng suspek na nasa paligid ng lugar kung saan ginawa ang operasyon.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Jose Joey Arandia ng CIDG-NCR, ginamit nila ang isang complainant para magbigay ng pera sa mga suspek na nananakot sa kanila.
Umabot sa P5-milyon ang naging kasunduan nila sa suspek.
Ayon sa biktima, nagpakilala ang suspek at ang ibang kasamahan nito na opisyal ng gobyerno at may koneksyon sa First Lady na si Lisa Araneta Marcos.
Matapos matanggap ang impormasyon, mabilis na nakipag-ugnayan sa opisina ng First Lady ang pulisya at doon na ginawa ang operasyon.
Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang mga suspek.





Comments