Lalaban pa rin ang Gilas Pilipinas para sa bayan!
- BULGAR

- Sep 2, 2023
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | September 2, 2023

Mga laro ngayong Sabado:
4 p.m. Angola vs. South Sudan (Araneta)
4:45 p.m. New Zealand vs. Ehipto (MOA)
8 p.m. Pilipinas vs. Tsina (Araneta)
8:30 p.m. Jordan vs. Mexico (MOA)
Hanggang sa huli ay lalaban ang Gilas para sa bayan! Hahanapin ng pambansang koponan ang mailap na unang panalo sa 2023 FIBA World Cup sa pagharap sa Tsina ngayong Sabado simula 8 p.m. sa Araneta Coliseum.
Biglang naglaho ang pangarap ng mga Pinoy na makapasok sa 2024 Paris Olympics matapos ang masakit na 87-68 na talo sa Timog Sudan Huwebes ng gabi. Ang mga Aprikano ay ika-62 sa FIBA Ranking kung ihahambing sa Gilas na ika-40.
Hindi napigilan ng depensa si Carlik Jones, ang 2023 NBA G League MVP na muntik nang gumawa triple double sa kanyang 17 puntos, siyam na rebound at 14 assist. Lima lang sa ipinasok na 12 manlalaro ni Coach Chot ang nakapuntos sa pangunguna nina Jordan Clarkson na may 24 at Dwight Ramos na may 20.
Ganado ang mga Intsik na galing sa 83-76 tagumpay sa Angola. Matatandaan na nanaig ang mga Angolan sa mga Pinoy sa group stage, 80-70, noong Agosto 27.
Pangunahin para sa mga Pinoy ang bantayan si Kyle Anderson na matapos walang ginawang puntos sa una nilang laban ay gumagawa na ng 16.0 puntos at 6.3 rebound sa sumunod na tatlong laro. Kailangan ding tutukan sina sentro Zhou Qi, shooter Zhao Rui at point guard Zhao Jiwei.
Para sa Gilas, simple lang ang dapat nilang gawin at wakasan ang torneo sa positibong paraan at maiwasan na magtapos sa pinakailalim ng torneo. Mahalaga ito upang mabigyan ng imbitasyon ang Pilipinas sa mga Olympic Qualifying Tournament para sa huling apat na upuan sa Paris.
Sisikapin din nilang iwasan ang nangyari noong huling ginanap ang FIBA World Cup sa bansa noong 1978 kung saan wala ring naipanalo ang Pilipinas. Bawal maglaro ang mga PBA noon at binuo ang koponan ng mga amateur sa gabay ni Coach Nick Jorge.








Comments