Lakas ng depensa ng Celtics pinagana ng lupet ni Tatum
- BULGAR
- Jan 8, 2024
- 1 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | January 8, 2024

Ipinakita ng numero unong Boston Celtics ang kahalagahan ng depensa upang makamit ang 118-101 panalo kontra sa numero unong opensa ng NBA Indiana Pacers kahapon sa Gainbridge Fieldhouse. Bumida din si Gilas Pilipinas Jordan Clarkson sa 120-109 pagwagi ng Utah Jazz sa kulang na Philadelphia 76ers.
Ang mabuting depensa ay nagbunga ng malupit na opensa at namayagpag si Jayson Tatum para sa 38 puntos at 13 rebound habang 31 si Jaylen Brown. Dominado ng Boston ang rebound, 56-38, at napigil sa anim ang magkasunod na tagumpay ng Pacers.
Ang 101 ang pinakamababang naitala ng Pacers ngayong taon at malayo sa kanilang numerong 127.6 bago ang laro. Umangat ang Celtics sa 28-7 at lumaki ang agwat sa humahabol na Minnesota Timberwolves na 25-9.
Matapos malimitahan sa dalawang puntos lang noong isang araw sa 97-126 pagkabigo laban sa Celtics, bumawi ng todo si Clarkson at bumira ng 18 puntos bilang reserba. Mahalagang tulong ito kay Lauri Markkanen na may 33 at Collin Sexton na may 22 at naramdaman ng 76ers ang pagliban ni MVP Joel Embiid at ang kanyang inaasahang 30 puntos at 10 rebound.
Hindi nagpahuli at gumanap ng malaking papel si kabayan Jalen Green sa 112-108 panalo ng Houston Rockets sa bisita Milwaukee Bucks. Double-double si sentro Alperen Sengun na 21 puntos at 11 rebound at sumunod sina Jalen at Jeff Green na parehong may 16.
Nabitin ang huling hirit ng Bucks na humabol mula sa 73-89 sa simula ng fourth quarter. Nasayang ang 48 puntos at 17 rebound ni Giannis Antetokounmpo, ang tumatakbong numero uno sa online botohan sa NBA.com at NBA app para sa 2024 All-Star na gaganapin sa tahanan ng Pacers sa Pebrero.








Comments