Lahat ng sangkot sa ‘live show’ sa NBI conference, sibakin
- BULGAR
- Jul 10, 2023
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | July 10, 2023
Hindi hahayaan ng isang Makabayan lawmaker na makalusot ang National Bureau of Investigation (NBI) sa pamamagitan lamang ng paghingi ng tawad sa nangyaring “sexy” dance number sa command conference nito sa isang posh hotel noong nakaraang buwan.
Itinutulak ni House Assistant Minority Leader Rep. Arlene Brosas, ang pagsisiyasat ng Kamara sa kontrobersyal na insidente, at iginigiit na hindi sapat ang paghingi ng tawad ni NBI Director Medardo de Lemos.
Aniya, kailangang magsagawa ng masusing imbestigasyon para matukoy kung sino ang dapat managot sa iskandalo.
Giit pa ng mambabatas, ang lahat ng ahensya at opisyal ng gobyerno ay dapat mahigpit na sumunod sa code of conduct at ethical standards.
Gayunman, nangako si Brosas na maghahain ng resolusyon ng Kamara na humihiling sa House women at gender equality panel na imbestigahan ang insidente.
Hindi dapat umano nila pinapahintulutan ang explicit objectification sa mga kababaihan, lalo na sa panahon ng official function.
Ayon kay De Lemos, ang dance performance sa pagtatapos ng command conference ay bahagi ng isang “fellowship” activity kung saan ang mga regional at national officers ay maaaring “magbonding.”
Tila unti-unti nang nadudungisan ang NBI dahil sa sunud-sunod na mga iskandalo nito.
Sa ginagawa nilang ito, mas lalo lamang mawawalan ng tiwala ang taumbayan sa kanilang ahensya.
Patagal nang patagal ay puro kahihiyan ang naibibigay ng gobyerno sa atin. Hindi na natin alam kung sino pa ang mapagkakatiwalaan sa kanila.
Kung ganito lamang na panay-panay ang kapalpakan na nangyayari sa ating bansa, paano na ang Pilipinas sa mga susunod pang taon? Paano irerespeto ang batas kung ang mga tagapagtanggol natin ay nawawalan na ng respeto?
Kaya naman, sana ay papanagutin ang mga nasa likod ng iskandalong ito at sibakin ang lahat ng mga sangkot upang hindi na makahawa pa.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments