Lahat ng kandidato, magkaisa para sa maayos at mabilis na transition
- BULGAR
- Nov 2, 2023
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | November 2, 2023
Para sa mga bagong halal na opisyal ng barangay, kailangan muna nilang dumaan sa transition period upang maging maganda ang kanilang pag-upo sa puwesto.
Tatlong linggo lang ang ibinibigay ng Department of the Interior and Local Government (DILG) para sa maayos na transisyon ng mga barangay officials.
Ayon DILG Secretary Benhur Abalos, sa mga natalong kandidato kailangan nilang agad na gawin ang pagsasalin ng responsibilidad at tamang turnover ng mga properties sa mga nagwaging kandidato. Aniya, mas maaga itong gagawin ay mas magiging madali at maayos ang pagpapatakbo sa barangay at agad ding makakapagsilbi ang mga bagong halal na barangay officials sa kanilang mga nasasakupan.
Sinabi ni Abalos na ayaw nilang magkagulo, kaya dapat naka-itemized ang bawat gamit ng barangay pati na rin ang pondo na kanilang iiwan kung mayroon man para maging malinaw ang magiging transition. Kadalasan aniya ay nagiging problema umano ang mga iti-turnover na gamit at pondo ng barangay na humahantong sa alitan sa pagitan ng nanalo at natalong incumbent.
Suportado naman ng DILG ang isinasagawang transition sa mga barangay upang magkaroon ito ng transparency.
Pahayag pa ni Abalos na sakaling magkaroon ng protesta, dapat munang sundin ang transition ng natalong incumbent habang ang Commission on Elections ang bahala sa kanilang mga reklamo.
Mas magiging maayos ang takbo ng isang barangay kung magkakasundo agad ang mga kandidato natalo man ito o nanalo at isagawa na ang transition.
Kapag tumagal kasi ang turnover ay pihadong tatagal din ang pag-usad ng barangay.
Ang masaklap pa, nalalagay sa alanganin ang mga botante at nasasakripisyo ang mga residente.
Panawagan natin sa mga natalo, maging sa mga nanalong kandidato na gawing tahimik at payapa ang pagsasalin ng tungkulin, iwasan din natin ang mga kuwestiyunableng isyu at tanggapin ang naging resulta ng halalan habang matulungan na lamang sa pagseserbisyo publiko para na rin sa ikabubuti ng inyong mga nasasakupan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments