top of page
Pokwang.jpg

Laguna Gov. Hernandez, hiningan ng tulong ni Mayor Perez bago napatay

Writer: BULGAR
BULGAR
Dec 5, 2020
2 min read

ni Lolet Abania | December 5, 2020



Nagpahayag ng saloobin si Laguna Gov. Ramil Hernandez tungkol kay Los Baños Mayor Caesar Perez na pinatay nu'ng Huwebes ng gabi. Aniya, humingi ito ng tulong sa kanya dahil sa pagkakadawit ng pangalan ni Perez sa opisyal na listahan ni Pangulong Rodrigo Duterte na sangkot umano sa illegal drug trade, subali't hindi binanggit ni Hernandez kung kailan sila nag-usap ni Perez.


Pinayuhan na lang daw niya ito na maghintay sa resulta ng imbestigasyon na magpapatunay na ito ay inosente. "Hindi po siya kumportable doon sa status po niya at bilang governor, lumapit po siya sa akin at humihingi ng tulong. Ang sabi ko naman sa kanya, hintayin natin ang normal na proseso niya at mawawala ka rin naman sa listahan," sabi ni Hernandez sa isang interbyu.


Hindi matukoy ni Hernandez kung may kaugnayan ang pagkakasama ng pangalan ni Perez sa nasabing listahan sa kanyang pagkamatay. Sa ngayon, ayon sa gobernador, walang ebidensiyang makapagsasabi na ang pinatay na alkalde ay sangkot sa illegal trade.


"Ang alam ko ay doon na nga papunta, dahil ang tagal na wala pa ngang nakukuha o lumalabas na direct link or evidence na talagang involved siya. So, sabi ko, huwag siyang mag-alala, maki-clear na rin siya diyan," sabi ni Hernandez.


Dagdag pa ng gobernador, kung may pruweba na ang awtoridad sa umano’y pagkakasangkot ni Perez sa illegal drugs, dapat sana ay nailabas na nila ito sa ngayon.


"Personal assessment ko po, talagang papunta na doon dahil wala naman po talagang lumalabas na ebidensiya unless otherwise may hawak ang pulis. Kung mayroon naman pong hawak sila, eh, di dapat, matagal na pong nailabas 'yan," pahayag pa ni Gov. Hernandez.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page