Lady cops sa police station, haharap sa mga reklamo
ni Ryan Sison @Boses | March 21, 2023
Upang mas mapalapit ang kapulisan at makapagbigay ng serbisyo-publiko sa mamamayan, papalitan na ng mga babaeng pulis ang mga lalaking desk officers sa mga police station sa National Capital Region (NCR).
Ito ang naging pahayag ni National Capital Regional Police Office (NCRPO) Director P/Major Gen. Edgar Alan Okubo kamakailan, na itatalaga ang mga lady cops at tatawagin silang “customer relations officers”.
Paliwanag ni Okubo, kadalasan umano ang mga lalaking desk officers ay iniiwasan o pinangingilagan ng mga nagrereklamong indibidwal dahil ilan sa kanila ay may pagkahambog, lalo na kapag nagtatanong na sa mga complainant.
Mas may pasensya aniya, ang mga babae na mag-entertain ng mga complainant at matiyaga ring nakikinig sa mga reklamo, kung saan napatunayan ito ng opisyal sa ginawa niyang research gamit ang mga hidden cameras sa police station habang nadismaya siya sa kanyang nakita.
Sinabi ni Okubo, lumabas sa kanyang research na may isang lalaking pulis na desk officer na pinapagalitan pa ang complainant dahil hindi niya maunawaan ang inirereklamo nito. Mayroon ding isang male desk officer na tuloy lang ang panonood ng TV at hindi gaanong pinapansin ang complainant.
Giit ng opisyal, ang mga babae ay mayroong pasensya na makinig sa isasangguni ng mga nagrereklamo, kaya dapat lang na tawagin silang customer relations officer para mas maganda rin ang koneksyon ng complainant. Ang female police officer na ang magko-connect sa investigator, PCR, operation o sa station commander sa inihaing reklamo.
Sa mga susunod na araw, sisimulan ang pagpapalit sa mga female desk officers sa mga pangunahing police stations sa Metro Manila, habang ang mga tatanggaling male desk officer sa mga police stations ay ilalagay sa mga kalsada para mapalakas pa ang police visibility patrol operations, ayon pa kay Okubo.
Maganda ang programang ito ng ating kapulisan na mga babaeng desk officer na ang itatalaga sa mga police stations na makikinig sa anumang reklamo ng taumbayan.
Kadalasan kasi, ang mga lalaking pulis ay nakikita na may pagkamaangas. ‘Yun bang magtatanong pa lamang sa kanila ay tila galit na at nakasinghal, kaya ang resulta natatakot na tuloy na magreklamo at sasarilihin na lang ang problema kaysa magsumbong pa sa kanila.
Hindi tulad ng mga lady cops, na kapag nilapitan ay may ngiti sa labing sasagot sa iyong mga tanong at handang makinig sa mga reklamo.
Dapat na sigurong umpisahan ito para maresolba na rin ang mga sinasabing hindi naire-report na mga kaso.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments