top of page

Labag sa batas ang “cybersex”

  • BULGAR
  • Oct 14, 2022
  • 2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | October 14, 2022


Dear Chief Acosta,


Ngayong may online class na ay madalas ang paggamit ng aking anak ng computer at may mga nakikita siyang iba’t ibang website sa internet. Noong nakaraang araw, sinabihan ako ng anak ko na may nakita siyang website na nagpapakita ng maseselang bahagi ng katawan ng mga tao at ang mga litrato ay ibinebenta. Maaari bang malaman kung ang gawaing ito ay paglabag sa batas? Maraming salamat. - Jerico


Dear Jerico,


Ang sagot sa iyong katanungan ay matatagpuan sa Seksyon 4(c) (1) ng Republic Act (R.A.) No. 10175 o mas kilala bilang “Cybercrime Prevention Act of 2012”, na nagsaad na:

“Section 4. Cybercrime Offenses. — The following acts constitute the offense of cybercrime punishable under this Act: x x x


(c) Content-related Offenses:


(1) Cybersex. — The willful engagement, maintenance, control, or operation, directly or indirectly, of any lascivious exhibition of sexual organs or sexual activity, with the aid of a computer system, for favor or consideration. x x x”

Ayon sa nasabing probisyon ng batas, paglabag sa batas ang pagpapakita ng maseselan o sensitibong bahagi ng katawan ng tao sa pamamagitan ng paggamit ng computer system. Maliban dito, hindi rin pinapayagan sa batas ang pagpapanatili, pagkontrol o pagkakaroon ng malaswang operasyon na nagpapakita ng mga maseselang bahagi ng katawan ng tao o pagtatalik sa tulong ng computer system para sa pabor o negosyo. Kung ang tao ay mapatunayang nagkasala, siya ay maaaring maparusahan ng naaayon sa Seksyon 8 ng R.A. No. 10175. Base sa mga nabanggit, maaaring managot sa batas ang mga taong nasa likod ng nakitang website ng iyong anak na nagpapakita ng maseselang bahagi ng katawan ng tao upang kumita ng pera.

Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page