top of page
Search
  • BULGAR

LA Lakers, 7th place sa Western Playoffs

ni Anthony E. Servinio @Sports | April 17, 2024




Nakamit ng bisitang Los Angeles Lakers ang ika-pitong puwesto sa 2024 NBA Western Playoffs matapos silatin ang New Orleans Pelicans, 110-106, sa SoFi Play-In Tournament kahapon sa Smoothie King Center. Sa kabilang laro, tinapos ng Sacramento Kings ang kampanya ng Golden State Warriors, 118-94.


Ilang beses lumamang ng 18 ang Lakers na ang huli ay 75-57 at 6 na minuto ang nalalabi sa 3rd quarter. Biglang nabuhayan ang Pelicans at nagawa nilang itabla ang laban at 99-99 ang talaan papasok sa last 2 minutes.


Mula roon ay ginising ni Anthony Davis ang Lakers sa dunk, 101-99. Nagmintis ng isang free throw si Larry Nance at hindi nag-aksaya ng panahon si D’Angelo Russell at bumomba ng pandiin na 3-points, 104-100. Namuno muli si LeBron James na may 23 puntos. Nagtala ng 10 ng kanyang 20 sa 4th quarter si Davis na may kasamang 15 rebound.


Malaking dagok sa New Orleans ang pilay ni Zion Williamson sa huling 3 minuto. Ipinasok ni Williamson ang ika-40 puntos subalit biglang humiling na palitan at hindi na bumalik. Haharapin ng Lakers ang World Champion Denver Nuggets sa seryeng best-of-seven. Matatandaan na sila rin ang nagtuos sa Western Conference Finals noong 2023 patungo sa unang kampeonato ng Nuggets.


Hindi pa tapos ang laban para sa Pelicans at maglalaro sila ng Kings para sa ika-8 puwesto at karapatan na harapin ang numero unong Oklahoma City Thunder. Sa first quarter lang nakasabay ang Warriors at walang nakapigil sa arangkada ng Sacramento na umabot hanggang 116-90 ang bentahe sa huling quarter.


Magkikita ang #7 Philadelphia 76ers at #8 Miami Heat sa East ngayong araw. Maglalaro rin ang #9 Chicago Bulls kontra #10 Atlanta Hawks.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page