Kuskos-balungos sa pamimigay ng ayuda, stop!
@Editorial | November 2, 2022
Mahigit 100 katao na ang naiulat na nasawi sa Bagyong Paeng. Halos ganito rin karami ang mga sugatan at may mga nawawala pa.
Umabot naman sa bilyong piso ang halaga ng mga napinsala.
May mga kababayan din tayo na wala nang uuwian, wala nang kabuhayan at hindi pa tiyak kung ano ang bukas.
Kaya napakalaking bagay na maitawid ang bawat araw. Ang paghahatid ng ayuda mula sa mga pribadong indibidwal o grupo ay malaking tulong.
Panawagan naman sa ating gobyerno, patuloy at bilisan din ang pamimigay ng tulong, lalo na ng mga pangunahing pangangailangan, huwag nang itengga pa.
Kaugnay ng paghahatid ng ayuda, maging si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. ay napansin ang tila mabagal na distribusyon dahil sa may hinihingi pa sa mga residente. Nabatid niyang may mga lugar na kailangan munang magkaroon ng tiket mula sa barangay chairman bago makatanggap ng relief goods. Ang paliwanag ng mga kapitan, sa pamamagitan ng tiket ay maiiwasan na may madobleng bigay.
Para naman sa Pangulo, hindi na raw ito kailangan. Aniya, ayos lang kung may magdoble lalo na't kung kailangan.
Sa palagay naman natin, kung sobra-sobra ang ayudang ipamimigay, at isa lang naman talaga kahit walang tiket, ang problema ay kung limitado at posibleng may ibang hindi mabigyan. Tiyak na gulo ang mangyayari at madaragdagan pa ang problema. Mas mainam pa rin kung may maayos na sistema.
Ang hindi lang maganda ay kung may tiket at pili lang ang bibigyan. Dahil ang ayuda, gaano man karami o kaunti, marapat lang na maibahagi nang pantay sa lahat ng nangangailangan.
Dapat ihinto ang pamumulitika at pangungupit sa ayuda.



Comments