Kung siya raw, nai-spoil ang mga anak… ALMA, PURING-PURI SINA DOLPHY AT JOEY SA PAGIGING MABUTING AMA
- BULGAR

- Jul 3
- 3 min read
ni Mercy Lejarde @Talkies | July 3, 2026

Photo: Alma Moreno
Puring-puri ng aktres na si Alma Moreno ang dati niyang mga nakarelasyon na sina yumaong Comedy King Dolphy at Joey Marquez dahil sa pagiging mabubuti at mapagmahal na ama sa kanilang mga anak, na ibinahagi niya sa panayam sa YouTube (YT) channel ng broadcast journalist na si Bernadette Sembrano.
Ayon kay Alma, wala siyang maipipintas sa paraan ng pagpapalaki ni Dolphy sa kanilang anak na si Vandolph. Ganito rin aniya si Joey pagdating sa kanilang mga anak na sina Yeoj, Winwyn, Vito, at MM Marquez.
Nang tanungin ni Bernadette kung paano niya ilalarawan ang ‘love of her life’, mas pinili ni Alma na bigyang-diin ang pagiging responsableng ama ng kanyang mga dating karelasyon.
“Basta ang masasabi ko, lahat sila, mapagmahal sa mga anak. Good father sila. Si Dolphy, wala akong masasabi bilang ama. Sobrang napakabait. Baby niya si Vandolph. Bineybi n’ya talaga ‘yun, inalagaan n’ya, at lagi n’yang katabi sa pagtulog.
“Si Joey, ganu’n din sa mga anak, sobrang mapagmahal, bagama’t madisiplina lang. Naiiyak ako ‘pag nakikita ko ‘yun. Tuwang-tuwa ako dahil iba pa rin kapag may tatay ang mga anak,” ani Alma.
Samantala, nang tanungin naman siya ni Bernadette kung paano niya ilalarawan ang sarili bilang ina, inamin ni Alma na may isa siyang kahinaang kinikilala bilang magulang.
“Mapagmahal ako, medyo mapag-spoil lang. ‘Yun ang mali ko, mapag-spoil ako, pero nand’yan ako palagi para sa mga anak ko,” pag-amin ng beteranang aktres.
In fairness sa aking friendship na si Alma Moreno, mabait din naman talaga siya. Kaya hindi nakapagtatakang biniyayaan siya ng mapagmahal at responsableng mga ama para sa kanyang mga anak.
CUTENESS overload ang ibinahagi ng aktres at TV host na si Pauleen Luna-Sotto sa kanyang Instagram (IG) matapos niyang i-post ang mga larawan ng kanilang masayang family trip sa Disneyland.
Makikita sa mga larawan si Pauleen kasama ang kanyang asawang si Bossing Vic Sotto at ang kanilang dalawang anak na sina Tali at Mochi habang ine-enjoy ang kanilang pamamasyal sa sikat na theme park.
Ayon kay Pauleen, mahilig ang kanilang pamilya sa mga ganitong lugar dahil hindi lang ito nagbibigay-saya sa kanilang mga anak kundi pati na rin sa kanila bilang mga magulang.
“We love theme parks! Our kids are absolutely obsessed, but honestly, we love them just as much because they bring out the child in us too…” ani Pauleen sa kanyang post.
Nagpasalamat din siya sa magandang panahon, maiikling pila, at sa mga taong tumulong para maging espesyal ang kanilang Disney experience.
Samantala, kapansin-pansin din ang pagiging charming at presentable ni Bossing Vic sa mga larawan. In fairness, matikas at guwapo pa rin si Bossing habang kasama ang kanyang loving family.
IBINAHAGI ng aktres at dating housemate ng Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition (PBBCCE) na si Shuvee Etrata sa Instagram (IG) ang mga larawan mula sa pagdiriwang ng kanyang ika-25 kaarawan.
Sa kanyang post, nagpasalamat si Shuvee sa mga taong naglaan ng oras para batiin at makiisa sa kanyang espesyal na araw.
“Ngayong tapos na ang June, I just want to say thank you to everyone who celebrated my birthday with me, sent a message, prayed for me, or simply made me feel remembered. Thank you from the bottom of my heart,” saad niya.
Ibinahagi rin niya ang kanyang pasasalamat sa pagmamahal at suporta na natanggap niya ngayong taon.
“This year, I experienced a kind of love that expected nothing in return. It was quiet, genuine, and something I’ll never take for granted,” dagdag ni Shuvee.
Ayon pa sa aktres, labis niyang pinahahalagahan ang mga taong nagbibigay ng kahulugan sa kanyang buhay.
“I feel incredibly blessed to be surrounded by people who make life so much more meaningful. My heart is full. Thank you for making this birthday so unforgettable,” aniya.
Pabirong sinabi rin ni Shuvee, “Feel na ko artista na jud ko kay 1 month nako gi-celebrate akong birthday! (Feeling ko ay artista na talaga ako dahil 1 month na akong nagseselebreyt ng aking birthday). Thank you, thank you, thank you!”
Dagdag pa niya, “‘Di ko na po birthday at sorry po sa late post. Sobrang happy lang po ang heart ko to celebrate this 25th birthday of mine. I felt really, really special.”
Well, enjoy your one-month birthday celebration, Shuvee Etrata.
‘Yun lang, and I thank you!





Comments