Kung noon pa nakasuhan ng Graft si Bistek, malamang ay nanalo ito sa pagka-senador
- BULGAR
- Apr 13, 2023
- 2 min read
ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | April 13, 2023
SA DAMI NG NAGHIHIRAP NA PINOY, MAHIRAP PANIWALAAN ANG SURVEY NG PULSE ASIA NA GOOD ANG PERFORMANCE NINA P-BBM AT VP SARA—Maraming netizens ang hindi makapaniwala sa inilabas na resulta ng survey ng Pulse Asia na nagbigay ng mataas na performance rating kina Pres. Bongbong Marcos (P-BBM) at Vice President, Department of Education (DepEd) Sec. Sara Duterte-Carpio.
Marami talaga ang hindi maniniwala kasi mantakin n’yo, ang taas ng presyo ng mga bilihin at bayarin, sobrang baon pa sa utang ang Pilipinas at ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), pumalo na sa higit 2.45 million ang jobless Pinoy, tapos sa kabila ng mga nararanasang paghihirap ng mamamayan, pinalalabas pa ng Pulse Asia na good ang performance ni Bongbong bilang Presidente at Sara bilang Bise Presidente ng bansa. Buset!
◘◘◘
TAGA-DAVAO CITY BA ANG NAGBAYAD SA SURVEY KASI TINALO NI VP SARA SI P-BBM SA RATING?—Sa naturang survey ng Pulse Asia, mas mataas na rating ang nakuha ni VP, DepEd Sec. Sara (83%) kaysa kay P-BBM (78%).
Hindi kaya taga-Davao City ang nagpa-commission o nagbayad sa survey na ito?
Sa tema kasi ng resulta ng survey, eh, parang mas pinalalabas ng Pulse Asia na mas magaling ang performance ng Bise Presidente na taga-Davao City, kaysa sa Presidenteng taga-Ilocos Norte, dahil kung pataasan ng rating pag-uusapan, talo ni VP Sara si P-BBM. Boom!
◘◘◘
MALAMANG NA PANALO SA PAGKA-SENADOR SI ‘BISTEK’ KUNG NOON PA LUMABAS ANG BALITA NA MAY KASO SIYANG KATIWALIAN—Dalawang kaso ng graft and corruption ang isinampa kahapon laban kay former Quezon City Mayor Herbert ‘Bistek’ Bautista sa Sandiganbayan na may kaugnayan sa P57 million maanomalyang proyektong ginawa nito noong siya pa ang alkalde ng QC.
Kung ang balitang ‘yan ay lumabas bago ang 2022 National and Local Elections, malamang ay nanalo sa pagka-senador si Bistek. Ang mga may kasong pangungurakot sa kaban ng bayan ang gustung-gustong iboto ng mga bobotante, eh. Ha-ha-ha!
◘◘◘
MALABON COP COL. DARO AT NAVOTAS COP COL. UMIPIG, ‘NGANGA’ SA RAKET NG MGA ILEGALISTA—Nagkalat na naman ang mga raket na illegal gambling tulad ng sakla, lotteng, EZ-2, bookies nina ‘Mario Bokbok,’ ‘Atan,’ ‘Noel,’ ‘Ponga,’ ‘Lina Robles’ at ‘Leody’ sa Malabon City at Navotas City.
Aba’y dapat ‘tokhangin’ agad nina Malabon City Police chief Col. Amante Daro at Navotas City Police chief Col. Allan Umipig ang mga manraraket na ito para hindi naman isipin ng mga taga-Malabon at Navotas na ‘nganga’ lang sila sa raket ng mga ilegalistang ito, period!





Comments