Kung nagawa ni P-BBM na ipa-stop ang online sabong, dapat ipatigil din niya ang STL-con jueteng
ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | March 22, 2023
STL-CON JUETENG LORDS, P5 BILYON NA ANG UTANG SA GOBYERNO, PERO NAKAKAPAG- OPERATE PA RIN—Sa pagdinig sa Senado noong Pebrero 14, 2023, natuklasan ng mga senador na ang mga Small Town Lottery (STL)-con jueteng na pinayagan ng administrasyong Duterte na mag-operate ay may utang o hindi nakapag-remit ng higit P5 bilyon sa pamahalaan.
Ito ang masaklap, sa kabila ng malaking pagkakautang ng mga STL-con jueteng operators sa national government, walang aksyon ang mga senador sa pamumuno ni Senate Pres. Migz Zubiri para ipa-stop na ang ganitong uri ng sugal. Sa ngayon, tuloy pa rin ang panraraket ng mga gambling lords sa mga mananaya sa iba’t ibang panig ng bansa. Buset!
◘◘◘
RAKET NA STL-CON JUETENG NG MGA BALATUBANG GAMBLING LORDS, DAPAT IPA-STOP NI P-BBM—Kung nagawa ni Pres. Bongbong Marcos (P-BBM) na ipa-stop ang operasyon ng online sabong, dapat ay ipatigil na rin niya ang operasyon ng STL-con jueteng.
Bukod kasi sa balatuba ang ilan sa mga STL-con jueteng operators na ayaw magbayad o mag-remit ng kanilang financial obligations sa pamahalaan, mistulang hino-holdap pa ng mga gambling lords ang mga mananaya. Sa totoo lang kasi, lantarang panraraket ito sa mamamayan dahil bihira ang tumatama sa STL-con jueteng dahil ang 1-40 kumbinasyon nito ay mahirap tamaan, period!
◘◘◘
MAY PERMISO BA NI MAYOR JOY BELMONTE OPERASYON NG RAKET NA STL-CON JUETENG SA QC?—Dati, ang Quezon City ay walang STL-con jueteng, pero ngayon ay mayroon na.
Noong Abril 5, 2006, alkalde pa ang tatay ni Mayor Joy Belmonte na si Mayor Sonny Belmonte at hindi ito pumayag na mag-operate ang STL-con jueteng sa QC, kaya inutusan nito ang kapulisan na dakpin ang lahat ng sangkot sa ganitong uri ng sugal, kaya ang mga gambling lords ay nagpulasan palabas ng Quezon City.
Kaya ang tanong, may permiso ba ni Mayor Joy na mag-operate ng STL-con jueteng para raketin mga taga-QC?
◘◘◘
NAGAWA NG TATAY NI MAYOR JOY IPA-STOP ANG STL-CON JUETENG SA QC, KAYA KUNG GUSTUHIN NIYA, KAYA RIN NIYA ITONG IPATIGI—Kahit pa sabihin ng gambling lord na may bendisyon ng national government ang operasyon ng kanilang STL-con jueteng, kung gugustuhin ni Mayor Joy na ipa-stop ang operasyon nito sa Quezon City ay puwede niya itong gawin. Kung nagawa ng kanyang ama na tutulan ang ganitong uri ng sugal sa QC, kaya rin niya itong gawin dahil siya ang alkalde ngayon ng lungsod.
Bilang alcalde, may karapatan si Mayor Joy na ipa-stop ang STL-con jueteng sa QC para maprotektahan ang kanyang mamamayan laban sa mga nanraraket na gambling lords, period!





Comments