Kung mananalong VP… Mandatory Military Service sa kabataan, isusulong ni Mayor Sara Duterte

ni Jasmin Joy Evangelista | January 20, 2022

Inihayag ni Davao City Mayor at vice presidential aspirant Sara Duterte-Carpio nitong Miyerkules, Enero 19, 2022, na isusulong niya ang mandatory military service para sa mga kabataang edad 18 sakaling mahalal siya bilang bise presidente ng bansa.
"[Kung manalo bilang bise], gagamitin ko ang aking opisina — Office of the Vice President — para kausapin ang ating Congress and the Senate of the Philippines to make military service for all 18 years old, male and female, mandatory in our country," ani Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio, Miyerkules, sa virtual caravan ng UniTeam Alliance nila ni presidential aspirant Bongbong Marcos.
"Hindi ROTC (Reserve Officers’ Training Corps) lang na isang subject, isang weekend o isang buwan sa isang taon. Dapat lahat kapag tungtong mo ng 18 years old, you will be given a subsidy, you will be asked to serve our country doon sa ating Armed Forces of the Philippines."
Ang ROTC ay isa sa tatlong components ng National Service Training Program na nagbibigay ng military education at training sa mga estudyante para ma-mobilize sila para sa "national defense preparedness." Ang graduates nito ay maaaring magserbisyo sa AFP sakaling magkaroon ng emergency.
"Nakikita po natin ito sa ibang bansa, sa South Korea, sa Israel nakikita po natin 'yan doon sa kanila [mandatory military service]," dagdag pa ni Duterte-Carpio.
Matatandaang ginawang optional ang ang pagpapatupad ng ROTC o ang dating mandatory military training sa mga kolehiyo noong 2002 matapos lumabas ang kontrobersiyang nag-uugnay dito sa pagkamatay ni Mark Chua, estudyante ng Unibersidad ng Sto. Tomas.
Sinasabing pinatay si Chua ng mga course officers matapos ibunyag ang nagaganap na ROTC fund management.





Comments