Kung maayos ang sistema at pasahod sa ‘Pinas, ‘di aalis ang mga nurse
- BULGAR
- Jan 25, 2023
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | Enero 25, 2023
Nagpahayag ng pagkabahala ang ilang labor group sa impormasyong may mga bansa na hinihikayat ang mga Pinoy nursing students na mag-abroad sa oras na makapagtapos sila.
Ito ay matapos maiulat na nag-aalok ng libreng tuition at board and lodging ang ilang bansa sa Europa sa mga Pinoy nursing students na nais magtrabaho bilang nars.
Ayon kay Philippine Nurses Association (PNA) president Melvin Miranda, maaaring magkaroon ng epekto ang ganitong sistema sa healthcare sector ng bansa.
Gayunman, sa kasalukuyan ay marami pa rin umanong health care workers ang nahihikayat na mangibang-bansa dahil sa mababang pasahod sa Pilipinas.
Dagdag pa ng opisyal, ang sahod ng private nurses ay nasa P9,000 hanggang P15,000.
Habang ang entry-level nurses sa pampublikong ospital ay sumasahod nang mula P33,000 kada buwan.
Dahil dito, inirerekomenda ng PNA na palawigin ng gobyerno ang scholarship program para sa mga Pilipinong nais mag-aral ng nursing.
Matatandaang inihayag ni Department of Health (DOH) officer-in-charge Maria Rosario Vergeire, na hindi mapipigilan ng gobyerno ang healthcare workers na mangibang-bansa dahil karapatan ng mga ito na maghanap ng papasukan na may mas malaking pasahod.
Magandang oportunidad ito para sa mga kababayan natin at hindi natin sila masisisi kung ito ang pipiliin nila sa halip na manatili sa bansa.
Tutal, alam natin ang dahilan kaya maraming healthcare workers na nahihikayat mangibang-bansa, ‘yun ang dapat pagtuunan ng pansin ng gobyerno.
Kung maganda ang sistema at pasahod sa bansa, pipiliin ng ating mga kababayan na magsilbi sa Pilipinas. Dapat tapatan ang mga oportunidad sa ibang bansa para mabawasan ang mga nahihikayat na mag-abroad.
Mabuting manatili ang mga Pinoy nurse sa Pilipinas nang sa gayun ay mas marami na tayong healthcare workers at hindi mahihirapan ang sektor ng kalusugan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.co





Comments