top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Operasyon ng mga agri-smugglers, talupan!

BULGAR
Aug 22, 2022
2 min read

ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | August 22, 2022


NAGKA-ABERYA MAN SA BIGAYAN NG EDUCATIONAL CASH ASSISTANCE, NALAMAN NAMAN NG PUBLIKO NA MAY AYUDA PALA ANG DSWD SA MGA 'STUDENT IN CRISIS'—Bagama't nagkaroon ng aberya sa bigayan ng suportang pinansyal sa mga mag-aaral, ang kainaman dito'y isinapubliko ni Sec. Erwin Tulfo ng Department of Social Welfare and Development, na may taunan palang ipinamimigay na educational cash assistance ang kagawaran sa mga mag-aaral na kung tagurian ay "student in crisis", tulad ng mga estudyanteng bread winner, working students, inabandona ng magulang, nakikitira sa kamag-anak, anak ng mga solo parents, anak ng mga unemployed parents, unemployed OFWs (Overseas Filipino Workers), PWDs (Person with disability), anak ng mga rebel returnees, anak ng mga may HIV at mga biktima ng kalamidad.


Mantakin n'yo, kung hindi pa naging DSWD sec. si Erwin ay hindi malalaman ng mamamayan na may ganito palang programa ang kagawaran.


◘◘◘


DAPAT KUWESTYUNIN ANG MGA DATING DSWD SEC. KUNG MAY IPINAMIGAY SILANG EDUCATIONAL CASH ASSISTANCE—Dahil may nakalaan palang yearly educational cash assistance ang DSWD sa mga mag-aaral na nasa kategoryang "student in crisis", kaya't marami ang nagtatanong kung bakit hindi ito isinapubliko ng mga nakaraang DSWD secretary?


Para magkalinawan sa isyung 'yan, ang dapat gawin ngayon ng Senado at Kongreso ay ipatawag ang mga dating naging kalihim ng DSWD at tanungin sila kung ang ginawa ngayon ni Sec. Tulfo na pamimigay ng educational cash assistance sa mga "student in crisis" ay kung ginawa rin nila noon.


◘◘◘


DISTRICT COLLECTOR NG MICP, SUBIC, CAGAYAN DE ORO CITY AT BATANGAS, DAPAT KUWESTYUNIN NI COMM. RUIZ KUNG BAKIT NAKAPAG-O-OPERATE ANG MGA AGRI-SMUGGLERS SA KANILANG JURISDICTION—Sabi noon ni Customs Comm. Yogi Filemon Ruiz, ang isa sa mahigpit na bilin sa kanya ni Pres. Ferdinand "Bongbong" Marcos ay labanan ang agricultural smuggling, pero bago 'yan ay ibinulgar na noon ni dating Senate Pres. Vicente "Tito" Sotto III ang pangalan ng mga agri-smugglers sa bansa at sila ay sina "Leah Cruz", "Manuel Tan", "Andrew Chang" at "Jun Diamante" na may operasyon ng smuggling sa Manila International Container Port (MICP), Port of Subic at Port of Cagayan de Oro City, Port of Batangas.


Kaya't ang tanong: Nakuwestyon na kaya ni Comm. Ruiz sina MICP Dist. Collector Romeo Rosales, Subic Dist. Collector Marites Martin, Cagayan de Oro City Dist. Collector Elvira Cruz at Batangas Dist. Rhea Gregorio kung bakit nakalulusot ang agri smuggling operations ng mga smuggler sa kanilang jurisdiction?


◘◘◘


TOTOO BANG MAY SHORTAGE NG SIBUYAS O HINO-HOARD LANG ITO NG MGA AGRI-SMUGGLERS?—Sa ngayon ay sobrang mahal ang presyo ng sibuyas, pumapalo na ito sa P500 per kilo at ang hindi natin alam ay kung totoong may shortage o kung hino-hoard lang ito ng mga agri-smugglers sa Customs.


Kung ito ay hino-hoard, at dahil ang sibuyas ay parte ng gulay, ibig bang sabihin niyan ay tuloy pa rin ang agri-smuggling nina "Leah Cruz", "Manuel Tan", "Andrew Chang" at "Jun Diamante" sa jurisdiction nina MICP Dist. Collector Rosales, Subic Dist. Collector Martin, Cagayan de Oro City Dist. Collector Cruz at Batangas Dist. Collector Gregorio.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page