Kung ‘di kaya ni Gen. Azurin na ipatigil ang political killings, resign na!
ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | March 6, 2023
NAGPRAMIS NA MATITIGIL NA ANG PATAYAN, PERO ‘DI NATUPAD, KAYA DAPAT MAG-RESIGN NA SI PNP CHIEF GEN. AZURIN—Dahil sa sunud-sunod na pagpatay at pananambang sa mga local officials, nangako si PNP Chief Gen. Rodolfo Azurin kay Sec. Benhur Abalos ng Department of the Interior and Local Government (DILG) noong Marso 2, 2023 na gagawa ng aksyon ang kapulisan para matigil na ang mga patayan.
Pero ang masaklap, dalawang araw matapos ang pangako ng PNP chief na matitigil na ang political killings sa bansa, pinasok ng mga armadong salarin ang compound ng tahanan ni Negros Oriental Gov. Roel Degamo at pinagbabaril hanggang sa mapatay ang gobernador, at ang nakakalungkot pa sa insidenteng ito, may mga inosenteng mamamayan na nadamay dahil napatay at nasugatan sa tama ng bala.
Kung hindi kaya ni Gen. Azurin na matigil ang mga patayang ito na may kinalaman sa pulitika, dapat mag-resign na siya sa puwesto bilang PNP chief, period!
◘◘◘
BUKOD SA POLITICAL KILLINGS, KAHIT ILLEGAL GAMBLING AY ‘DI KAYANG IPA-STOP NI GEN. AZURIN—Hindi lang political killings ang hindi kayang ipa-stop ni Gen. Azurin kundi pati ang raket ng mga ilegalistang nambibiktima. Halimbawa nito ang pasugalan na nag-o-operate ng iba’t ibang uri ng illegal gambling sa Luzon, Visayas at Mindanao.
Nang italaga ni Pres. Bongbong Marcos (P-BBM) si Gen. Azurin bilang PNP chief noong Agosto 1, 2022, isa sa kanyang ipinangako ay ipapatigil niya ang lahat ng uri ng illegal gambling sa bansa. Isa umano sa sanhi ng korupsyon sa PNP ang pagbibigay-proteksyon sa mga pasugalan sa ‘Pinas, pero ang masaklap, Marso 2023 na o makalipas ang anim na buwan ay tuloy pa rin ang panraraket ng mga ilegalistang ito. Tsk!
◘◘◘
MAY PANAHON PA SI RD-3 GEN. HIDALDO MAGDEKLARA NG ‘NO-TAKE POLICY’—May mga itinalaga naman si Gen. Azurin na police regional director na pagkaupong-pagkaupo pa lang sa puwesto ay nagdeklara na ng ‘no-take policy’ o walang sinumang pulis ang dapat tumanggap ng payola sa mga gambling lords kapalit ng proteksyon sa kanilang mga pasugalan. Pero may mga ipinuwesto rin ang PNP chief na regional director ang walang direktibang ‘no-take policy’ sa kanyang mga tauhan tulad ni newly appointed Police Regional Director, Brig. Gen. Jose Hidalgo.





Comments