Kumpiskadong sibuyas, niri-recycle sa Customs
ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | May 31, 2023
MGA TANGA LANG ANG MANINIWALA NA NALUSAW ANG MGA KUMPISKADONG IMPORTED NA SIBUYAS SA CUSTOMS—Iniimbestigahan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang impormasyong inire-recycle ang mga kumpiskadong tone-toneladang imported na sibuyas para ibenta sa merkado. Ito ay matapos matuklasan ng Pyrotechnic Solution, kumpanyang accredited ng Customs sa pag-dispose ng mga kumpiskadong kargamento, na wala nang sibuyas ang isang container van na idi-dispose sana sa kanilang sanitary landfill. Ang palusot ng Customs officials, nalusaw ang mga sibuyas.
Nalusaw? Isang container van na puno ng kumpiskadong sibuyas kaya naglaho ay dahil nalusaw daw?
Sa totoo lang, tanga lang maniniwala sa sinabi ng Customs na nalusaw ang mga sibuyas sa loob ng isang container van, period!
◘◘◘
KANI-KANYANG RAKET ANG MGA TIWALI, MAY MGA NAGRI-RECYCLE NG SHABU, MAY MGA NAGRI-RECYCLE NG MGA KUMPISKADONG SIBUYAS—Labag sa batas na i-recycle para ibenta ang mga kumpiskadong imported na sibuyas na matagal nang nakaimbak sa Customs dahil bukod sa makakasama ito sa kalusugan ng mamamayang makakabili nito, perhuwisyo pa ito sa panindang sibuyas ng mga magsasakang Pinoy.
Sa pangyayaring ito, makikita na kani-kanyang raket ang mga tiwali sa gobyerno, kasi kung ang mga tiwaling parak ay nagri-recycle ng kumpiskado nilang shabu para ibenta sa mga adik, ang mga tiwali naman sa Customs ay nagri-recycle rin ng mga kumpiskadong imported na sibuyas para ibenta sa merkado, mga buset!
◘◘◘
WALANG KUWENTA ANG BALASAHAN SA CUSTOMS DAHIL PALIT-MUKHA LANG—Dahil sa mainit na isyu ng agri-smuggling sa bansa, nagsagawa ng balasahan sa Customs si Commissioner Bienvenido Rubio, kaya lang, masasabing walang kuwenta ang reshuffle dahil wala namang na-floating sa puwesto kundi pinagpalit-palit lang ang posisyon ng mga Customs officials.
Si Collector Maritess Martin, tinanggal nga siya sa Subic, pero itinalaga naman sa Port of Manila (POM) na kapalit ni Collector Michael Vargas na inilipat lang sa Manila International Container Port (MICP), inalis si Collector Carmelita Talusan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), pero inilipat lang sa Subic, tinanggal si Collector Erastus Austria sa Davao, pero inilipat lang sa Cagayan de Oro, inalis si Collector Elvira Cruz sa Cebu, at inilipat lang sa Clark, at si Ciriaco Ugay ay tinanggal sa Iloilo, pero inilipat lang sa Cebu.
Ganyan kawalang-wenta ang balasahan sa Customs kasi mga palit-mukha lang sa puwesto, walang inilalagay na bagong mukha sa mga juicy positions sa Customs, tsk!
◘◘◘
COLLECTOR MARITESS MARTIN, SINIBAK SA SUBIC, AFTER 1 WEEK, BALIK SA PUWESTO AT GINAWA PANG COLLECTOR NG PORT OF MANILA—Ang isa sa nakakaintriga sa balasahan sa Customs ay ‘yung kay Collector Maritess Martin. Noong panahon ni dating Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz noong Agosto 23, 2022, sinibak niya ito sa Subic habang iniimbestigahan ang napabalitang sugar smuggling dito, pero makalipas ang halos isang linggo ay nakabalik agad ito sa puwesto.
Mantakin n’yo, sinibak na si Martin sa Subic, pero after one week, balik sa puwesto, tapos ngayon ay ginawa pang collector ng Port of Manila, boom!





Comments