top of page
Search
  • BULGAR

Kulong sa lalaking nanakit ng hayop, dapat lang

ni Ryan Sison @Boses | October 20, 2023


Maituturing na kalupitan ang pananakit ng hayop na may kaukulang parusa para sa sinumang indibidwal na lalabag sa Republic Act 10631 o ang Animal Welfare Act.


Ito ang nangyari sa isang lalaki sa Koronadal City na inaresto, matapos ang brutal na pagpatay sa isang aso na nakunan pa ng video.


Base sa video footage ng GMA News, makikita na isang lalaki ang may hawak ng stick habang hinahampas ang isang hayop. Bagama’t hindi ipinakita sa video ang hayop, maririnig ang iyak nito sa bawat hataw ng lalaki.


Ayon kay Koronadal City Chief of Police Lieutenant Colonel Amor Mio Somine, ang suspek ay nakilalang si Reynald Nasareno Tuco, 43, at residente ng Bgy. Sta. Cruz, ng naturang lugar.


Hindi naman itinanggi ng suspek ang pagpatay niya sa aso. Nag-ugat aniya, ang kanyang ginawa sa matinding trauma na naranasan niya nang makagat ng aso ang isang kamag-anak. Ikinatuwiran din nito na bigla siyang hinabol ng nasabing aso na isang pit bull.


Dahil dito, kumuha siya ng kawayan, hinataw ang aso, at pagkatapos ay pinutol ang ulo nito.


Gayunman, nakakulong na ang lalaki at nahaharap sa kaukulang kaso.


Pagmamalupit at brutal na pagpatay sa isang hayop ang naging ekspresyon ng naturang indibidwal dahil siguro sa matindi nitong galit at emosyon. Kaya tama lamang na parusahan at makulong ito sa ginawang paglabag sa batas.


Subalit, tila wala sa tamang pag-iisip ang sinuman na magagawang manakit, magmalupit, lalo’t higit na pugutan pa ng ulo ang hayop na wala namang kalaban-laban.


Kahit pa sabihing nakaranas ng trauma mula sa isang hayop, na maaaring nakasakit sa atin, hindi tama na basta kitilin ang buhay nito nang ganu’n na lang.


Bukod sa atin, sila man ay nilikha rin ng Diyos, kaya nararapat lamang na mahalin at alagaan natin sila.


 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page