Kulelat ang house speaker sa approval at trust rating
- BULGAR
- Apr 10, 2021
- 3 min read
ni Ka Ambo - @Bistado | April 10, 2021
Top 1 sa opinion survey si P-Digong.
Pahiya ang kanyang mga kritiko!
◘◘◘
BATAY sa 1st quarter ng 2021 survey ng Publicus Asia, isinagawa ang interbiyu noong Marso 20-29.
Tinanong ang may 1,500 respondents mula sa iba’t ibang dako ng bansa!
◘◘◘
NAGTALA si P-Digong ng 64.8 percent approval rating at 55 percent trust rating.
Pumangalawa si Senate President Vicente “Tito” Sotto na may 40.9 approval at 24.6 trust rating!
◘◘◘
IKATLO si VP Leni na may 29.1 approval at may 18.6 trust rating samantalang pumang-apat ang retired supreme court chief justice na si Diosdado Peralta na may 28.4 percent approval at 15 percent trust rating.
Nawawala sa top four ang Speaker ng House of Representative na si Rep. Lord Alan Velasco!
◘◘◘
NAGKASYA lang si Velasco sa 25.4 percent approval na may 14.5 trust rating.
Ano ang nangyari?
Bakit bumagsak ang grado ng Kamara ng mga Representante?
Dati-rati ay nakukulelat ang chief justice ng Korte Suprema, pero ngayon ay naungusan pa ang speaker ng Kamara sa ikaapat na puwesto!
◘◘◘
ITO ang ikalawang survey ng Publicus Asia na ang resulta ay kulelat ang house speaker sa approval at trust rating.
Kulelat din kasi si Velasco noong December 3-9, 2020 survey ng Publicus Asia dalawang buwan matapos maupo bilang lider ng Kamara!
◘◘◘
Sa totoo lang, bumaba ang trust at approval rating ng pangulo, Sotto, Robredo, at Velasco kumpara sa nakuha nilang rating noong December 3-9 survey kung saan nakuha ni P-Digong ang 69.8% approval at 62.3% trust rating.
Posibleng apektado rin talaga ito ng pandemic!
◘◘◘
DATING naitala ni Sotto ang 49.9% approval at 30.0% trust rating, Robredo na may 34.6% approval at 23.2% trust rating, Peralta na nakakuha ng 30.7% approval at 18.5% trust rating.
Samantalang 29.7% approval at 18.1% trust rating naman ang nakuha ni Velasco sa naturang naunang survey!
◘◘◘
NAGANAP ang sinabi noon ni Anak Kalusugan Party List Cong. Mike Defensor na lalagapak ng matindi ang trust at approval rating ng Kamara at ni Velasco.
May kinalaman ba sa mababang rating ni Velasco ang mga hakbang na ginawa nito mula ng maupo bilang Speaker of the House?
◘◘◘
MAS inasikaso kasi ng Kamara ang tanggalan at rigodon ng mga deputy speakers at chairmanships ng mga komite.
Masyadong napulitika ang palitan ng Speakership dahil karamihan ng mga bagong opisyal ay mga kakampi na ni Velasco at tinanggal sa puwesto ang mga kaalyado ni dating House Speaker Alan Cayetano!
◘◘◘
HINDI maiiwasan na ikumpara ang performance ng liderato ni dating Speaker Alan Peter Cayetano na pinalitan ni Velasco.
Mas mataas ang grado noon ni Cayetano sa mga opinion survey dahil mabilis na napatibay ang badyet at ang Bayanihan 1 at Bayanihan Act 2!
◘◘◘
NAKOPO noon ni Cayetano ang performance rating na 64% noong Sept. 2019 at 80 % na performance rating naman noong December 2019 sa survey na isinagawa nationwide ng Pulse Asia.
Sa naturan ding survey nakuha ni Cayetano ang 62 % trust rating noong September 2019 at 72% trust rating noong December 2019!
◘◘◘
PUMANGALAWA naman si Cayetano kay P-Duterte sa survey na isinagawa ng Publicus Asia sa Visayas at Mindanao noong December 2019 kung saan nakakuha ng 32.25% na approval rating at 49.1% na trust rating.
Mas mainam ay napagtibay ng Kamara ang mga batas na direktang makakatulong sa mga naghihikahos na mamamayan.
Mahalagang mabigyan ng biyaya ang mga biktima ng pandemic at mahalaga ang papel ng Kamara para sa mga ipatutupad na bagong batas!
◘◘◘
KAPAG nagawa ni Velasco na mapagtibay ang mga batas na mabilis na mag-aahon sa mga nagdarahop mula sa krisis, aba’y tiyak na tataas ang kanyang grado sa susunod na mga survey.
Kailangan talagang magtrabaho nang todo ang Kamara partikular para labanan ang inaasahang matinding krisis hanggang Pasko!





Comments