Kulay pula, masasarap na pagkain at regular na pagtatalik, pampabuwenas ng mag-asawang may tindahan
- BULGAR
- Jan 24, 2021
- 3 min read
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| January 24, 2021
Dear Maestro,
Sobrang hirap ng buhay namin ngayon at hindi ko na alam kung ano ang gagawin ko. May tindahan naman kami, pero mahina ang benta.
Ang mister ko naman ay isang tricycle driver, kaya lang, matumal ang pasada ngayon at halos wala na talaga siyang kinikita. Naisipan kong sumangguni sa inyo upang malaman kung paano giginhawa ang buhay namin?
Ano ang aming suwerteng kulay, pandispley, at anong araw at taon kami giginhawa sa buhay? October 9, 1985 ang birthday ko at December 18, 1983 naman ang mister ko.
Umaasa,
Edelyn ng Catmon, Malolos City, Bulacan
Dear Edelyn,
Nagkataong pareho kayong taong nueve (9) ng mister mo dahil ang birth date na 18 ni mister mo ay kinukompyut ng ganito 1+8=9, kung saan ang 9 ay tulad ng birth date mong piladong 9.
Bukod sa pareho kayong nagtataglay ng birth date na 9, kayo rin ay kapwa nagtataglay ng destiny number na 6 tulad mo kung saan, ang October 9, 1985 ay may kabuuang kompyutasyong ganito: 10+9 +1985=2004/ 20+04=20+ 04=24/ 2+4=6.
Habang ganito naman ang kabuuang kompyutasyon ng birthday na December 18, 1983 ng mister mo: 12+18+1983= 2013/ 20+13=33/ 3+3=6.
Kaya masasabing may dalawang mahiwagang planetang pumapatnubay sa inyong relasyon ng mister mo, ganundin ito ay pumapatnubay sa inyong pamilya sa kasalukuyan — ito ang planetang Mars na may numerong 9 at planetang Venus na may numerong 6.
Tandaang planetang Mars ang ruling planet ng mga taong nueve, na nangangahulugang pula ang pinakamasuwerte n’yong kulay dahil ito ang kulay ng planetang Mars.
Kaya ang unang solusyon upang umunlad at guminhawa ang inyong buhay ay palagi kayong magsuot at gumamit ng kulay na pula, puwede rin kayong magsuot ng mga bato na pula at kahit anong uri ng bato na ipalalamuti sa silver na singsing.
Ikalawang solusyon ay pagkain. Dahil ang destiny number n’yong 6 naman ay may ruling planet na Venus, ang suwerteng bagay tulad ng nasabi na ay masasarap na pagkain ang dapat n’yong ihalo sa inyong paninda.
Kung hindi man pagkain, puwede rin ang masasarap at malinamnam na tinapay at iba pang tsitsirya. Basta ang keyword, “masarap at malinamnam” na pagkain ang mga produktong magpapaunlad sa inyong kabuhayan hanggang sa tuluyan na kayong yumaman.
Ikatlong solusyon, kung may bakanteng lote sa harap ng inyong bahay, magtanim kayo ng mga bulaklaking halaman. Basta ang importante, pagandahin at gawin n’yong romantic ang inyong bakuran upang mabuhay ang inyong libido na siya namang hihigop ng dagdag pang suwerte at magagandang kapalaran, habang patuloy kayong nagsasama, regular na nagtatalik at nagmamahalan.
Ikaapat na solusyon, kailangang may pintura ang inyong bahay at tindahan. ‘Yun bang kahit maliit, kailangang malinis at magandang tingnan at kailangan ding maaliwalas ang kapaligiran upang tuluy-tuloy na pumasok ang suwerte at magandang kapalaran.
Ikalima, dapat ding panatilihin mo ang ikatlong lagda, pero simulan mo sa sign na “$”. Sa ganyang lagda, magsisimula na kayong umunlad at yumaman.
Habang ang huling paraan ay tulad ng kasalukuyang nangyayari, huwag kayong mag-aaway at palagi kayong magmamahalan. Gawin n’yong pugad ng pagmamahalan ang inyong tahanan, at ito rin ang dahilan kaya may nabanggit sa itaas na “regular na pagtatalik” dahil ito ay makapagdaragdag din ng suwerte at magandang kapalaran sa inyong pamilya.
Ito ay dahil ang Venus ay siya ngang “Diyos ng pag-ibig at kamuduhan”, kaya kapag palagi kayong nagmamahalan at nagtatalik, tataas ang inyong sigasig at kasiglahan. At kapag palagi kayong ganado sa buhay, kusa kayong uunlad, sasagana hanggang sa tuluy-tuloy na yumaman.
Ayon sa Decadens ng Kapalaran, sa sandaling sinusunod n’yo ang mga simpleng rekomendasyong inilahad na sa itaas, tiyak ang magaganap sa 2022, sa edad mong 37 pataas at 39 naman si mister, magsisimula na kayong makaahon sa kahirapan hanggang sa tuluy-tuloy ng umunlad at yumaman.



Comments