Krimen, parami nang parami... 12-anyos, puwede nang kasuhan, oks sa PNP
- BULGAR

- Jun 24
- 2 min read
ni Mylene Alfonso @News | June 24, 2026

Photo: Tacloban City Fire Station
Suportado ng Philippine National Police (PNP) ang panukalang ibaba ang edad ng criminal liability sa bansa, kasabay ng pagdami ng mga kabataang Pilipinong nasasangkot sa krimen.
Sinabi ni PNP spokesperson Col. Allen Rae Co na pabor sila na ibaba sa 12 ang edad ng criminal liability.
“The PNP is supporting the lowering of the age of criminal liability. We are thinking, 12 years old,” wika ni Co sa press briefing sa Palasyo.
“Hindi naman lingid sa kaalaman n’yo na nagkakaproblema na po tayo. As a matter of fact, we studied the data. ‘Yung statistics po natin medyo tumataas ‘yung naiinvolved na CICL (Child in Conflict of the Law) kaya sa amin ay titingnan mo naman, if they acted with discernment, hindi mo naman arbitrarily na kasama nila. Titingnan din kung alam nila ang kanilang ginagawa,” aniya.
Nabatid na sa Pilipinas, 15 taong gulang ang minimum age of criminal liability, na nangangahulugan na ang mga indibidwal na 15 taong gulang at isang araw pataas na napatunayang kumilos nang may discernment o sapat na pag-unawa sa kanilang ginawa ay maaaring sumailalim sa naaangkop na mga paglilitis sa korte.
Isa sa dalawang suspek sa insidente ng pamamaril sa Tacloban ay higit sa 15 taong gulang.
Dahil dito, siya ay sasailalim sa regular trial alinsunod sa umiiral na batas.
“Malinaw naman po sa batas natin na 'yung above 15 years old, siya po ay mag-undergo at most probably makikita ng DSWD (Department of Social Welfare and Development) na he acted with discernment at siya po ay a-undergo ng regular trial, formal trial, but of course while observing yung child protection protocols,” paliwanag ni Co.
Samantala, ang 14-anyos na suspek ay obligadong isailalim sa isang child protection facility ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa child protection at rehabilitasyon.
Kaugnay nito, inihayag ng Palasyo na wala pa itong opisyal na posisyon sa panukalang pagbaba ng edad ng criminal liability, ngunit bukas si Pangulong Bongbong Marcos sa mga ganitong mungkahi.





Comments