Kontrobersyal na Pax Silica, pinalagan ni Sen. Imee

ni Mylene Alfonso @News | August 3, 2026

Photo: File / Sen. Imee Marcos
Kinuwestiyon ni Senador Imee R. Marcos ang pagpapatuloy ng kontrobersyal na Pax Silica Project sa Capas, Tarlac matapos lumabas na nagsimula na ang pagtukoy sa mga maaapektuhang lugar nito.
Ayon kay Marcos, hindi dapat isakripisyo ang kabuhayan ng mga magsasaka at mga katutubo kapalit ng mga ipinapangakong pamumuhunan. Dapat aniya munang magsagawa ng malinaw at sapat na konsultasyon ang Bases Conversion and Development Authority (BCDA) sa mga residente bago ang anumang pagsukat ng lupa o land acquisition.
Lumabas sa mga ulat na tinatayang 1,600 ektarya ng lupa ang maaapektuhan ng proyekto, kabilang ang mga lupang sinasaka ng 92 magsasaka at mga komunidad ng Aeta, kahit wala pa umanong isinagawang pampublikong konsultasyon.
Binigyang-diin din niya na dapat sumunod ang proyekto sa itinakda ng Department of Agrarian Reform Administrative Order No. 1, Series of 2002 kaugnay ng land use conversion.





Comments