Kontrobersiyal na “birthday party” ni Gen. Sinas, kalimutan na lang daw, ngek!
- BULGAR

- Aug 2, 2020
- 2 min read
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | August 2, 2020
HIMALA ANG IBINIDA NG DOH NA 38,075 ANG NAKAREKOBER SA COVID-19 SA ISANG ARAW LANG—Imbes na papuri, pinutakti ng batikos si Health Sec. Francisco Duque III sa ibinida nila na sa loob ng isang araw ay 38,075 ang nakarekober sa COVID-19 noong Huwebes (July 30).
Hindi naniwala ang publiko sa inanunsiyong ito ng DOH kasi mantakin ninyo, walang mass testing sa COVID-19 na isinagawa ang gobyerno, tapos nagkaroon ng mass recovery? Himala!
◘◘◘
KUNG LIBRE ANG FACE SHIELD, OK ‘YAN PERO KUNG MAY BAYAD, ‘DI AFFORD NG MARALITA ‘YAN—Napagkasunduan ng mga miyembro ng IATF (Inter-Agency Task Force) na bukod sa mandatory na pagsusuot ng face mask ay obligahin na rin daw ang mamamayan na magsuot ng face shield.
Kung libreng magpapamigay ang gobyerno ng face shield, oks ‘yan pero kung hindi at may bayad, nakupo, hindi kakayanin ng mga mahihirap na bumili niyan. ‘Yung disposable face mask nga na P7 lang ay hindi ma-afford, face shield pa kaya na P50 ang pinakamura? Period!
◘◘◘
MABUTI NA LANG NAGBABALA ANG MGA CHEMISTS KASI BAKA SERYOSOHIN NG MGA DDS NA PANG-DISINFECTANT ANG GASOLINA—Matapos sabihin ni P-Duterte na hindi siya nagbibiro sa sinabi niyang puwedeng gawing disinfectant ang gasolina ay agad nagpalabas ng statement ang Integrated Chemists of the Philippines (ICP) na walang katotohanan na puwedeng pang-disinfectant ang gasolina dahil nakakasama ito sa kalusugan ng tao.
Mabuti na lang nagpalabas agad ng babala ang ICP kasi baka seryosohin ito ng mga DDS at sundin ang sinabi ng Pangulo, boom!
◘◘◘
PARANG SINABI NI GEN. GAMBOA NA SA MGA GOV’T. OFFICIALS, ‘DI USO ANG “LAW IS LAW”—Sabi ni PNP Chief Gen. Archie Gamboa, kalimutan na lang daw ng publiko ang kinasangkutang kontrobersiya ni NCRPO Director, Gen Debold Sinas na may kinalaman sa paglabag nito sa mass gathering nang magdaos ng “birthday party” o mañanita sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City noong nasa ilalim ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang Metro Manila.
Parang sinabi na rin ni Gen. Gamboa na sa mga opisyal ng gobyerno na nakakagawa ng paglabag sa batas ay hindi uso ang “law is law”, buwisit!





Comments