top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

Kontrata ng aktres sa Siyete, 'di raw ni-renew dahil sa pambabastos sa senador…

Writer: BULGAR
BULGAR
Jan 6, 2021
3 min read

Updated: Jan 9, 2021

BONG KAY JANINE: DAPAT MATUTONG RUMESPETO!

ni Vinia Vivar - @Frankly Speaking | January 6, 2021




Nagsalita na si Sen. Bong Revilla, Jr. tungkol sa pagkakadamay ng pangalan niya sa pag-alis ni Janine Gutierrez sa GMA-7 at paglipat sa ABS-CBN.


Sinasabi kasing hindi na ni-renew ng Kapuso management si Janine at ang dahilan umano ay kinalaban kasi nito si Sen. Bong.


Kung matatandaan, noong Disyembre, 2019 ay nag-comment si Janine sa Twitter ng “Oh, God” tungkol sa pagbabalik-telebisyon ni Sen. Bong sa GMA-7.


Naging kontrobersiyal ang komentong ito ng aktres at umani ng mixed reactions mula sa mga netizens at sa mga kapwa artista. May kumampi sa kanya at meron din namang nagalit. Unang-una na nga sa mga tumalak sa kanya ay ang manager ni Sen. Bong na si Lolit Solis na siyempre ay hindi nagustuhan ang “Oh, God” comment ng aktres.


Muling nabuksan ang issue ngayon dahil nga sa balitang hindi ni-renew ng GMA-7 si Janine at hinihinala ngang dahil ito sa Twitter comment ng aktres.


Kahapon sa lunch get-together ni Sen. Bong with the entertainment press ay naitanong namin ito sa aktor-pulitiko at aniya ay may naririnig nga raw siya, pero unfair naman daw sa kanya na idamay siya or sisihin sa paglipat ni Janine.


“Bakit (ako)? Ako pa? Walang masamang tinapay sa akin. In short, wala sa akin ‘yun kahit ano pa ang nangyari in the past, wala ‘yun. Wala akong kinalaman du’n.


“In fact, kung ako nga, kung sasabihing gagawa kami ng movie together, I’m very much willing to accept her as my leading lady. Pero kung hindi man, okay lang din,” he said.


Hindi raw niya alam kung anuman ang naging basehan ng GMA-7 kung totoo ngang hindi ni-renew si Janine.


“Basta ako, sa aming mga magkakapatid sa industriya, kahit ano pang sabihin mo, siyempre, sa show business, mas senior ako sa kanila. Itong mga batang artista, dapat matuto rin silang rumespeto sa mga nakakatanda sa kanila, sa senior sa kanila. Huwag nilang lapastanganin ang mga nakakatanda sa kanila, hindi lang sa amin, hindi lang sa artista. Bilang respeto sa nakakaedad sa ‘yo, matuto ka ring rumespeto,” ang mensahe ni Sen. Bong.


Nilinaw din naman ni Sen. Bong na wala siya talagang sama ng loob kay Janine at sa iba pang artista na namba-bash sa kanya.


“I’m a very forgiving person. Pinatawad ko na ‘yung mga taong… Siguro, hindi naman nila alam ang puno’t dulo niyan. Kung anuman ‘yung naririnig nila, ‘yun lang ang nakakarating sa kanila. But eventually, kung hindi man sila maliwanagan ngayon, time will come na maliliwanagan din sila. And I understand them. Naiintindihan ko kung ano ang hugot nila,” pahayag ni Sen. Bong.


Muli ay binigyang-diin ng aktor-pulitiko na acquitted siya sa kasong plunder at wala raw sinabi ang korte na isoli niya ang ibinibintang sa kanyang P124 million.


“I am not criminally liable. Nandu’n po, napakalinaw po ‘yan sa desisyon ng korte na wala akong pananagutan. Kaya nga po ako acquitted, eh,” he said.


Huwag naman daw sanang lituhin ang mga tao ng mga kalaban niya sa pulitika.


“Sana, huwag naman nilang lituhin ang taumbayan. May desisyon na ang korte, and that’s final,” aniya.


Samantala, dahil nga sa showbiz siya nagsimula, kailanman ay hindi puwedeng talikuran ni Sen. Bong ang industriya na nagbigay ng pangalan sa kanya’t naging dahilan kung bakit niya narating ang kinalalagyan ngayon.


Kaya naman bilang pagtanaw ng utang na loob ay gumagawa pa rin siya ng proyekto from time to time. Sa ngayon ay natapos na niya ang bago niyang action-fantasy series sa GMA-7 na Agimat ng Agila at malapit na itong iere.


Kasama niya rito sina Sanya Lopez, Sheryl Cruz, Roi Vinzon, Benjie Paras, Michelle Dee at marami pang iba.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page