top of page
Search
BULGAR

Kolorum na sasakyan, dapat nang ubusin

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | May 2, 2024




Mariing ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. (PBBM) sa pamunuan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na hulihin hanggang sa maubos na ang lahat ng mga sasakyan na bumibiyaheng kolorum sa buong bansa.


Dahil dito ay agad na nagsanib-puwersa ang Department of Transportation (DOTr), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), at Philippine National Police (PNP) upang ipatupad ang naturang kautusan.


Isang kasunduan ang nilagdaan ng MMDA, DOTr, at DILG para bumuo ng isang joint task force para palakasin ang puwersa ng mga nanghuhuli sa kalsada.


Ang nasabing hakbang ay kasunod ng kautusan ni PBBM sa DILG na tutukan ang operasyon ng mga colorum vehicle.


Hindi lang natin makumpirma kung ano ang magiging epekto nito sa ating mga tradisyunal na jeepney dahil itinuturing na ng DOTr na kolorum ang mga jeepney na hindi nakapag-consolidate sa natapos na deadline nitong nagdaang Abril 30.


Gayunman,sinabi ni DOTr Undersecretary Ferdinand Ortega na bibigyan nila ng hanggang dalawang linggong palugit ang mga unconsolidated jeepney bago sila tanggalan ng prangkisa.


Bibigyan pa umano ng show cause, sasagot pa ang mga tradisyunal na jeepney kaya kailangan ng mga ilang araw para sila ay masabihan o mabigyan ng sapat na impormasyon na sila ay wala nang prangkisa at sila ay hindi na puwedeng pumasada.

Technically, kolorum na umano sila dahil sa hindi pagsunod ngunit kailangan pa rin umanong pagpaliwanagin muna sila, at makaraan ang ilang araw ay magpapalabas na umano ng kautusan ‘yung mga hindi nakapagpaliwanag o hindi katanggap-tanggap ang paliwanag ay puwede na umanong hulihin.


Ang multa sa mahuhuling kolorum ay aabot sa P50,000, isang taon na suspensyon sa lisensya ng driver at pag-impound sa sasakyan.


Sa huling tala noong Linggo, iniulat ng Land Transportation, Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na umaabot sa 78.33% o 150,179 units ang consolidated na habang 73.71% ng ruta ang consolidated na hanggang nitong Abril 23.


Maganda kung maisasakatuparan ang utos na ito ni PBBM dahil sa tiyak na luluwag ang trapiko, partikular sa EDSA na santambak ang kolorum na bus na protektado pa umano ng ilang tiwalang traffic enforcer na siyang nagtitimbre kapag may operasyon laban sa kolorum.


Sana, unahin ang paglilinis sa hanay ng mga traffic enforcer sa EDSA dahil hangga’t nandiyan sila ay hindi matitigil ang operasyon ng kolorum.


Kahit sa mga probinsya, dapat una ring linisin ang hanay ng mga operatiba ng iba’t ibang ahensya na may kaugnayan sa transportasyon dahil ginagawa nilang ‘gatasan’ ang mga kolorum na van na talamak pa rin ang operasyon.


Kung matitigil ang operasyon ng kolorum sa mga lalawigan ay malaki ang magiging epekto nito sa pagluluwag ng trapiko sa Metro Manila dahil sa matitigil na rin ang pagdagsa ng mga kolorum na sasakyan mula sa iba’t ibang lalawigan sa bansa.


Higit sa lahat ay nakakaawa ang mga pasahero na sakay ng kolorum na van sa oras na masangkot sila sa grabeng aksidente dahil sa walang mananagot sa kanilang kalagayan.


Kaya sa ating mga kababayan na maaapektuhan ng isasagawang operasyon ng ating pamahalaan ay huwag kayong magagalit dahil para sa kapakanan ng lahat ang paghuli sa talamak na operasyon ng kolorum sa bansa.


 

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

0 comments

Recent Posts

See All

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page