Klaripikasyon sa pagbubukas ng klase, hiling ng private school groups
- BULGAR

- Aug 15, 2020
- 2 min read
ni Lolet Abania | August 15, 2020

Humingi ng klaripikasyon o paglilinaw ang private school groups mula sa Department of Education (DepEd), kung kasama ang mga pribadong eskuwelahan sa inilatag kahapon ng ahensiya tungkol sa pagbabago ng pagbubukas ng klase sa October 5.
Ayon sa Coordinating Council of Private Educational Associations (COCOPEA), handa na ang private education sector sa dating itinakdang August 24 na pagbubukas ng klase ngayong taon. Preparado na rin sa iba’t ibang uri ng pagtuturo at learning delivery methods kapalit ng tradisyunal na face-to-face classes ang mga guro at instructors.
"Our preparations for remote learning have been motivated by our desire to resume school operations for the benefit of our learners and also the welfare of around 300,000 teachers and other personnel who are at risk of being laid off from work or work without pay should the school opening be pushed anew to October 5,” ayon sa statement ng COCOPEA.
Isinumite na rin ng Catholic Educational Association of the Philippines (CEAP), sa DepEd ang kanilang learning continuity plans, health at safety protocols, at school calendar.
Gayundin, matapos ipasa ang lahat ng kailangang requirements, umapela ang CEAP sa DepEd tungkol sa pagbabago ng school opening sa October 5, anila, sa mga pampublikong paaralan lamang dapat ito ipatupad.
Dagdag ng COCOPEA, marami nang pribadong eskuwelahan ang nagsimula ng school year noon pang nakaraang buwan, habang ang iba ay nag-umpisa ngayong Agosto.
Idiniin pa ng COCOPEA, ang inaprubahang batas para sa mga private schools, na may kakayahan itong magpatupad ng sariling school calendar.
“We appeal to the President to allow the private schools to continue with school opening as scheduled as we have been tirelessly preparing at the onset of this pandemic and massive efforts and solutions were made to address the learning crisis,” sabi ng COCOPEA.
Hinimok rin ng COCOPEA ang DepEd, tungkol sa inaalok na private education sector’s online at distance education resources sa mga pampublikong paaralan upang mapadali ang kahandaan nito sa isasagawang blended learning ngayong taon.
Kahapon, inanunsiyo ni Education Secretary Leonor Briones ang pag-apruba ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagbabago ng pagbubukas ng klase mula sa dating August 24 ay itinakda na sa October 5.
Ayon kay Briones, dahil ito sa logistical limitations dulot ng pagpapatupad ng modified enhanced community quarantine (MECQ) sa Metro Manila at sa mga lalawigan ng Bulacan, Cavite, Rizal at Laguna, kaya iniurong ang pagbubukas ng klase.





Comments