top of page
TEKA NGA - MANONG CHAVIT, UMAMING NAUUBOS ANG DATUNG SA MGA BEAUTY QUEENS-FB Luis Chavit S

Kinder hanggang Senior High, saklaw na ng voucher system

Writer: BULGAR
BULGAR
1 hour ago
2 min read

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | September 29, 2026



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian


Nitong nakaraang linggo, dumaan sa ratipikasyon ng parehong Senado at Kamara ang bicameral conference committee report ng Basic Education Voucher Assistance Act, kung saan niresolba ng parehong kapulungan ang pagkakaiba sa pagitan ng Senate Bill No. 1981 at House Bill No. 4744. 


Ngayong malapit nang maisabatas ang ratipikadong panukalang ito, maaasahan natin ang nalalapit na paglawak ng voucher system sa mga pribadong paaralan upang maging saklaw ang lahat ng antas ng K to 12. Kung dating senior high school lamang ang saklaw ng kasalukuyang voucher system, magiging saklaw na ng naturang programa ang mga mag-aaral mula kindergarten hanggang senior high school.


Napapanahon ang pag-usad ng panukalang ito, lalo na’t patuloy nating hinaharap ang matinding kakulangan sa mga silid-aralan at siksikan sa mga pampublikong paaralan. Kung ating babalikan ang datos, lumalabas na humigit-kumulang 145,000 ang kulang na mga silid-aralan sa ating bansa.


Ngunit sa ilalim ng ating ratipikadong panukala, bibigyan natin ng insentibo ang mga nangangailangan at kwalipikadong mga mag-aaral na pumasok sa mga pribadong paaralan imbes na patuloy na mag-enroll sa mga nagsisiksikang mga pampublikong paaralan.


Ang mga mag-aaral na ito ang makakatanggap ng mga voucher na magbibigay ng tulong pinansyal sa kanilang pag-aaral sa pribadong paaralan.


Nakasaad sa ating ratipikadong panukala na ang magiging mga benepisyaryo ng programang ito ay ang mga mag-aaral mula sa middle-middle-income households pababa, o sa mga katumbas na income classifications. 


Titiyakin ng Department of Education (DepEd) na sapat ang halagang katumbas ng vouchers upang magkaroon ng pagkakataon ang mga mag-aaral na magpatuloy sa pag-aaral sa mga pribadong paaralan. Makakatanggap naman ng mas mataas na voucher amount ang mga mag-aaral mula sa poor at low-income households upang mas marami tayong matulungang mga mag-aaral na higit na nangangailangan.


Ang DepEd ang magtatakda ng halaga ng vouchers batay sa 

pananaliksik. Susuriin din ang itinakdang halaga kada tatlong taon upang maisaalang-alang ang inflation o pagbilis ng pag-akyat ng presyo ng bilihin. 




May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page