top of page

Kinasuhan ng ex-mister… LINDSAY, WANTED SA CYBERLIBEL

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 17
  • 3 min read

ni Ambet Nabus @Let's See | September 17, 2025



Lindsay Custodia - IG

Photo: Lindsay Custodia - IG



Umiinit na naman ang dating isyu sa pagitan ng dating ‘90s singer-actress na si Lindsay Custodio at sa kanyang estranged husband na si Frederick Cale matapos maglabas ng warrant of arrest ang Cebu City Regional Trial Court Branch 11 laban sa aktres kaugnay ng cyberlibel case nito.


Matatandaang nitong mga nakaraang buwan, naging laman ng balita ang dating couple matapos magsampa si Cale ng reklamo laban sa aktres-singer dahil umano sa mga pahayag nito online na nakasama raw sa kanyang reputasyon. Ang nasabing kaso ay konektado pa sa isang artikulong lumabas noong 2024 kung saan nagbigay ng mga pahayag si Lindsay tungkol sa kanilang hiwalayan.


Dumalo pa si Lindsay sa preliminary investigation sa Cebu nitong Marso 2025, ngunit hindi nagkasundo ang dalawang panig. Dahil dito, umusad ang kaso at ngayon ay nauwi na sa paglalabas ng arrest warrant laban sa kanya.



Nakakaloka! Wala naman kaming sinabi na kumokontra kami sa pagluklok bilang Hall of Famer ni Judy Ann Santos as Best Actress (BA) sa Metro Manila Film Festival (MMFF).


Ang gusto naming ikorek sana ng mga nasa pamunuan ng MMDA-MMFF Execom, partikular ng Spokesperson nitong si Noel Ferrer, ay ang pagbibigay ng label o titulong “Youngest Best Actress Hall of Famer” kay Juday.


Simple. Ang batayan kasi ng naturang parangal ay kung kailan natamo ng isang MMFF artist ang kanyang ikatlong panalo.


At base nga sa naipaliwanag na namin dito, ang yumaong Superstar at National Artist na si Nora Aunor ang karapat-dapat na bigyan ng naturang titulo dahil na-achieve niya ‘yun when she was 29 years old, kumpara kay Juday na 46 years old na at the time of her 3rd MMFF BA win.


Pero ‘yun nga, dahil gustong bigyan ng bonggang publicity at promo slant si Juday bilang pinakabata at latest inductee among those that have achieved the honors in the league of Nora, Vilma, Amy and Maricel, sige, gamitin at piliting ibigay ang titulong Youngest Best Actress Hall of Famer ng MMFF.


PR na PR kasi ang datingan ng naturang title at pagbibigay ng highlight dito na itinaon sa pag-launch nila ng coffee table book ng MMFF’s 50th year.

Just trying to straighten up a record that will become part of the MMFF history. ‘Yun lang ‘yun. 


Huwag nang dalhin ang usapin sa kung saan-saan dahil baka pati sa rally ay makarating pa ito. Hahaha!



PAG-USAPAN na lang natin ang magaganap na 20th anniversary concert ni Frenchie Dy.


Mahirap ngang paniwalaan na ito pala ang magiging kauna-unahan niyang major concert na magaganap come Oct. 24.


Sa loob kasi ng dalawang dekada niya sa industriya after niyang maging grand champion sa isang singing search, halos nakatrabaho na niya ang lahat ng music icons ng bansa. Nakilala siya bilang isa sa mga mahuhusay na biritera ng bansa at nakapag-perform na rin sa iba’t ibang panig ng mundo.


“There’s a right time po talaga siguro sa lahat ng bagay. I am simply thankful and grateful na kahit inabot ng 20 years, eh, saka pa lang ako magkakaroon ng major concert,” sagot ni Frenchie sa amin.


Kaya naman sinabi naming baka hindi na siya makapag-perform dahil sa dami ng mga music legends at kaibigan niyang nag-confirm ng kanilang participation sa Here To Stay (HTS) concert niya.


“Oo nga po. Parang lalabas na guest na lang,” bungisngis pa nito sabay segue na sobra nilang pinaghahandaan ang show sa tulong ng producer (Grand Glorious Production) na sumugal sa kanya at ng direktor nitong si Alco Guerrero.


“Aside from her artistry and her being a ‘biritera’ we would like to showcase her musical journey in a manner that everyone can relate to—lahat ng music genres kung makokober, gagawin namin,” sey naman ni Direk Alco, at dahil isa nga itong advocacy project para kay Frenchie na thrice nang inaatake ng Bell’s Palsy.

Sey pa nila, “Gusto rin po naming mas lalong makapag-spread ng awareness at hope through music tungkol sa kondisyon na ito.”


Next time na namin babanggitin ang sandamakmak na artists na magge-guest kay Frenchie Dy sa Here To Stay na magaganap sa Music Museum on October 24, Friday.



ABA’Y mas gumaling na singer itong si James Reid, huh?

Sa napanood naming A.S.A.P. performance nito sa London kasama ang iba pang mga ngayo’y ipinu-push na mga leading men ng Kapamilya channel, namely Joshua Garcia at Donny Pangilinan, aba'y kikiligin at mapapa-“Ohh!” ka nga sa boses ngayon ni James.


Mas may confidence, malinaw ang Tagalog at halos wala na itong foreign accent (sa singing, ha?), plus kitang-kita rito ang tila na-revive niyang aura at charisma dahil poging-pogi ito ngayon.


Tuloy, super-excited ang lahat sa pagtatambal nila ni Kathryn Bernardo sa isang mahalagang teleserye na soon ay gugulong na ang mga kamera.

Love ko na uli si James Reid. Hahahaha!


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page