Kinasuhan na ng plunder... Walang piyansa kay Marcoleta
- BULGAR

- 3 hours ago
- 2 min read
ni Jeff Tumbado @News | July 4, 2026

Photo: Rodante Marcoleta - FB
Tuluyan nang sinampahan ng Office of the Ombudsman ng kasong plunder si Senator Rodante Marcoleta at kanyang mga kapwa akusado sa Sandiganbayan kaugnay sa umano'y P75 milyong campaign donation na natanggap niya para sa kanyang kandidatura sa Senado.
Dumating ang ilang mga representante ng Ombudsman nitong Biyernes ng umaga sa Sandiganbayan upang pormal na ihain ang naturang kaso.
Batay sa reklamo, noong Enero 2025, nagbigay umano ng tig-P30 milyon, P25 milyon, at P20 milyon sina dating Anakalusugan Partylist Rep. Mike Defensor, Aristotle Viray, at Joseph Espiritu bilang donasyon para sa kampanya ni Marcoleta noong May 2025 national at local elections habang ito ay kasalukuyang kongresista ng Sagip Partylist.
Una nang iginiit ni Marcoleta na ang P75M donasyon sa kanya ay hindi maituturing na pampublikong pondo, kahit lumampas ito sa P50 milyong halaga na itinatakda sa ilalim ng Republic Act No. 7080 o Anti-Plunder Law.
Subalit ayon sa Ombudsman, idineklara lamang ni Marcoleta ang P39.6 milyong net worth sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN), na aniya ay naipon mula 1992 hanggang Hunyo 30, 2025.
Sa kanyang isinumiteng SALN noong Disyembre 2025, cash at savings lamang na nagkakahalagang P16.7 milyon ang kanyang idineklara.
Ipinaliwanag ni Marcoleta sa kanyang counter-affidavit na hindi na umano nito isinama ang naturang mga donasyon sa kanyang SALN dahil nagamit na ang kabuuang halaga para sa layunin nitong pondohan ang kanyang kampanya bago pa ihanda at lagdaan ang kanyang SALN.
Gayunman, sinabi ng mga state prosecutor na ang P75M campaign donation ay hindi rin lumitaw sa SALN ni Marcoleta hanggang Hunyo 30, 2025, na naging bahagi ng batayan sa pagsasampa ng kasong plunder laban sa senador pati na sa kanyang kapwa mga akusado.
Inaasahang ihahain ang warrant of arrest kay Marcoleta sa susunod na linggo.





Comments