Killer, binayaran ng P10K... Coed, 2 taon nang sinusuyo, pinapatay ng manliligaw

by Levi Gonzales @News | October 27, 2026

Photo: Ang dalawang construction worker na mga suspek sa pagpatay sa 20-anyos na third year architecture student ng National University-Lipa. (Levi Gonzales)
Dalawang lalaki ang naaresto ng mga awtoridad kaugnay ng pagpatay sa 20-anyos na si Jazmine Iya Martinez, isang third-year architecture student ng National University-Lipa, na pinaslang habang naglalakad pauwi mula sa eskwelahan sa Lipa City, Batangas noong Oktubre 14, 2026.
Ayon kay PLt. Col. Aleli Buaquen, kabilang sa mga naaresto ang 30-anyos na si alyas Lance, na umano’y sumaksak sa biktima, at ang 30-anyos na si alyas Kevin, na itinuro ni Lance bilang nag-utos umano sa kanya na gawin ang krimen.
Nakatulong sa pagkakakilanlan kay Lance ang pagsusuri ng mga pulis sa CCTV footage. Sa mga kuha sa Brgy. Banay-Banay, namataan ang isang lalaking nakasakay sa motorsiklo na may kaparehongdamit at sombrero ng lalaking nakita sa mga CCTV noong gabi ng pagpatay. Nasundan siya ng mga awtoridad hanggang sa isang ginagawang bahay, kung saan siya naaresto.
Nakatulong din ang cellphone video na kinunan ng kanyang katrabaho ilang oras bago ang insidente. Sa video, suot umano ni Lance ang damit, sombrero at tsinelas na iniugnay sa suspek. Itinuro rin niya sa mga pulis kung saan itinago ang damit, kutsilyo at motorsiklong ginamit umano sa krimen, na pawang narekober ng mga awtoridad.
Sa salaysay ni Lance, si Kevin umano ang nag-utos na patayin si Martinez at nagbigay sa kanya ng paunang bayad na P10,000.
Ayon sa pulisya, dalawang taon na umanong nililigawan ng suspek ang dalaga.
Sinabi ni Buaquen na planado umano ang pagpatay at ilang araw na minanmanan ang pag-uwi ng biktima. Naaresto si Kevin sa follow-up operation sa Tanauan City, Batangas, ngunit itinanggi niya ang paratang.





Comments