ni Judith Sto. Domingo @Asintado | August 23, 2023
Ang pagpapatakbo ng isang pahayagan ay malaking hamon at responsibilidad. Nasa balikat nito ang pasanin at hinaing ng taumbayan, na umaasang walang magiging palya habang walang takot nitong ipapahayag ang kanilang saloobin. Kung nararamdaman ng mga mambabasa ang malalim na pagmamalasakit, susuklian din nila ito ng kanilang pagtangkilik.
Sa loob ng higit 30 taon, hindi maikakailang ang pahayagang Bulgar ay patuloy na nangunguna sa puso at pagtangkilik ng ating mga Kababayan.
Sa likod ng pananatili nito, sa higit na tatlong dekada ay ang isang “matriarch” o inang laging gumagabay at umaalalay, taimtim na pinakikinggan ang hinaing ng mga ordinaryong mamamayan at walang takot na ipaglaban at ipahayag ang katotohanan.
Hayaan ninyong ibahagi ko sa inyo ang patungkol sa kanya sa mahalagang araw na ito ng kanyang buhay.
Nakilala ko si Ginang Leonida “Nida” Bonifacio Sison maraming taon na rin ang nakalipas sa gitna ng aking pagsisilbi sa Lehislatura. Bilang isang propesyunal na communicator, na hinasa ng nag-iisang lalaking anak ni Pangulong Ramon Magsaysay na si dating Senador Jun Magsaysay, na kilala rin bilang father of Cable Television, ako ay namangha sa unang pag-uusap namin ni Ginang Sison.
Malinaw sa akin na nasa puso niya at tunay niyang kilala ang masang Pilipino. Malalim at malawak ang kanyang pang-unawa at pagmamalasakit sa ordinaryong tao. Higit sa lahat, wala siyang takot na magpahayag ng kanyang nararamdaman at hindi nangingilag kaninuman.
Sa gitna ng araw-araw na deadline at pressure na kinakaharap ng pahayagang ito, hindi tatagal ang hindi buo ang loob o hindi hinulma para sa responsibilidad na ito.
Ang dedikasyon ni Ginang Sison para itaguyod ang Bulgar ay pinagtibay ng maraming taon ng kanyang pakikipaglaban para sa kapakanan ng taumbayan, habang hinaharap niya ang sariling mga pagsubok.
Sa mga malalim na nakakakilala sa kanya, nar’yan siya para sa kanila sa gitna ng mga hamon sa buhay. Para sa kanyang mga empleyado lalo na ang mga matatagal na sa kanya, kaibigan siyang malalapitan sa gitna ng kagipitan.
Naaalala kong nakita ko siyang dumalaw sa ospital sa kanyang dati at yumao nang patnugot na hanggang ngayon ay magiliw niya pa ring inaalala at pinahahalagahan.
Sa kamakailang pagkakasakit at pagpanaw ng tatay ng kanyang 20 taon nang editor, ipinamalas muli ni Ginang Sison na naroon siya sa kanilang tabi bilang isang inang laging umaalalay.
Tunay na nakasalalay sa isang ramdam, mabisa at hindi nakokompromisong liderato ang tagumpay ng isang pahayagan.
Naririto kami at nagsisilbing tinig ninyo dahil may isang butihing inang gumagabay, si Ginang Leonida Bonifacio Sison.
Sa espesyal na araw na ito, bumabati kami ng isang masaya at makabuluhang kaarawan, Ma’am Nida. Dalangin namin ang marami pang taon ng pagsasama at paggabay sa amin na mula sa biyaya ng ating Maykapal.
Comments