Kidlat, pahiwatig ng kabiguan
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | November 23, 2021
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Melchor ng Capiz.
Dear Maestra,
Isa ako sa mga tagasubaybay ng inyong kolum at gusto kong malaman ang kahulugan ng panaginip na pumunta ako sa kagubatan upang mamaril ng mga ibon at baboy-damo.
Naglakad ako nang naglakad hanggang sa nakaramdam ako ng pagkauhaw, tapos naghanap ako ng sapa at may natanaw naman ako, pero masukal ang daan papunta ru’n at maraming nakakalat na tinik. Gayuman, narating ko ang sapa, medyo marumi ang tubig na parang may putik. Sinala ko ang tubig at ininom ito, tapos biglang kumidlat dahil parating na ang malakas na ulan at naabutan ako ng ulan sa gubat.
Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay,
Melchor
Sa iyo, Melchor,
Salamat sa pagsubaybay mo sa kolum ko. Ang ibig sabihin ng panaginip mo ay dadaan ka pa sa maraming pagsubok at pagtitiis sa buhay bago makamit ang tagumpay. Ang tubig na ininom mo, kahit ito ay medyo marumi na parang may putik ay nagpapahiwatig ng kamalasan, kaya tatagan mo ang iyong loob. Kumapit ka sa Diyos, pagsubok lamang ‘yan na sa sandaling malagpasan mo ay may gantimpalang nakalaan. Ang kidlat ay nagpapahiwatig na matatagpuan mo ang iyong sarili na dumaranas ng matinding kabiguan, pero huwag kang mag-alala, hindi ka pababayaan ng Diyos, basta’t palagi kang magdasal. Hindi ka bibigyan ng pagsubok kung hindi mo ito makakaya.
Samantala, ang sabi mo ay inabutan ka ng ulan, ang ibig sabihan niyan, sa dako pa roon, naghihintay sa iyo ang napakalaking pagpapala at mga biyaya.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia De Luna




Comments