Kerwin Espinosa, absuwelto sa droga

ni BRT | June 10, 2023

Pinawalang-sala ng Makati City Court ang umano'y drug lord na si Roland “Kerwin” Espinosa” at ang kasama nito.
Ito ay dahil sa bigo ang prosekusyon na magpresenta ng sapat na ebidensya.
Base sa 21-pahinang desisyon na inilabas ng Makati City Regional Trial Court Branch 65 na pirmado ni Judge Veronica Tongo-Igot, pinanigan ang inihain ng kampo ni Espinosa at Marcelo Adorco na walang bisa umano ang mga ebidensya.
Nakasaad umano sa ruling ng Makati Court na bigo ang prosecution na patunayan ang elemento na napapaloob sa Republic Act 165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Napatunayan din ng korte na gawa-gawa rin ang sinumpaang salaysay ni Adorco.
Maging aniya ang extrajudicial confession ni Espinosa noong 2016 Senate Hearing ay hindi tinatanggap dahil sa bigong patunayan ng prosecution na ito ay boluntaryo.
Agosto 2021 nang kinasuhan ng Department of Justice sina Espinosa, Adorco at ibang mga indibidwal dahil sa illegal drug transaction sa Eastern Visayas.
Noong Disyembre 2021, nabasura ang isa sa mga kasong ilegal na droga ni Espinosa.
Taong 2022 din nang binawi rin ni Espinosa ang paratang nito kay dating Senator Leila de Lima kung saan siya umano ay tinakot ng mga kapulisan para idiin ang opisyal na sangkot ito sa transaksyon ng droga.





Comments