top of page
Search
  • BULGAR

Kelot na ‘di marunong makuntento, kay gf pa rin babagsak

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Numero | September 21, 2023


Dear Maestro,


May girlfriend ako ngayon at isinilang siya noong May 16, 2001 habang September 4, 1998 naman ako.


Itatanong ko sana kung kami na ba ang magkakatuluyan? Ngayon kasi ay may babaeng napapalapit sa akin. Pero, hindi ko pa siya girlfriend, dahil nililigawan ko pa lang siya at feel ko gusto niya rin ako, ang birthday niya ay November 27, 2002.


Sino kaya sa dalawang babaeng ito ang dapat kong makatuluyan upang magkaroon ako ng isang maunlad at maligayang pamilya kung sakaling ako ay mag-aasawa na?


Umaasa,

Rodney ng San Isidro, Cainta, Rizal

Dear Rodney,


Kung may girlfriend ka na ngayon, hindi ka na dapat manligaw ng ibang babae, dahil para mo na ring niloloko ‘yung girlfriend mo, o baka naman hindi mo talaga mahal ‘yung girlfriend mo, o baka naman likas na babaero ka lang?


Kaya nga, hindi magandang ehemplo para sa isang matino at mabuting lalaki ang ginagawa mo at kapag nakasanayan mo ‘yan, baka kahit sa panahong may asawa o may pamilya ka na ay gawin mo pa rin ang ganitong kalokohan.


Kung sakaling mangyayari ‘yun, paano ka makakatagpo ng isang simple at maligayang pag-aasawa, gayung ikaw mismo ang gumugulo sa iyong buhay?


Kaya minsan, hindi natin dapat sisihin ang kapalaran sa panahong malas o pangit ang nangyayari sa ating buhay. Sa halip, ang dapat nating sisihin ay ang ating sarili mismo.


Oo, dahil tayo rin ang gumawa ng kalokohan na nagreresulta ng hindi magandang kapalaran.


Kaya hindi pa huli ang lahat, Rodney, upang magpakatino at magbago. Kung sino ang tunay na mas mahal mo sa dalawang babaeng nabanggit ‘yun ang dapat mong piliin.


‘Ika nga, “Kung paano mo pinaglaruan ang mga babae noong ikaw ay binata pa hanggang sa ikaw ay nakapag-asawa na, darating ang panahong ikaw naman ang paglalaruan ng tadhana na magreresulta ng isang negatibo at pangit na kapalaran sa aspetong pagpapamilya."


Samantala, sa teorya ng compatibility higit mong ka-compatible si May 16, 2001 kung ikukumpara kay November 27, 2002, sapagkat ang zodiac sign mong Virgo na may elementong earth o lupa ay swak kay May 16, 2001 na may zodiac sign na Taurus. Ang Taurus ay nagtataglay din ng elementong earth o lupa tulad mo.


Ibig sabihin, tugma at compatible kayong dalawa ng kasalukuyan mong girlfriend, at talaga namang para kayo sa isa’t isa. Kapag siya ang iyong napangasawa, mas makakatiyak ka ng isang maligaya at panghabambuhay na pakikipagrelasyon, basta’t huwag mo na lang uulitin pa ang ginagawa mong kalokohan ngayon.


Sa oras na tumino at naging mabait ka na, babait at titino rin sa iyong ang kapalaran, at dahil compatible kayo ng babaeng ‘yun, tulad ng naipaliwanag na, darating ang panahong magkakaroon ka ng isang masuwerte, maunlad at maligayang pagpapamilya.



0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page