Kelot, kulong sa pagnanakaw ng petrolyo
- BULGAR

- 55 minutes ago
- 1 min read
ni Jeff Tumbado @News | May 19, 2026

Photo: Quezon City Police District (QCPD)
Kalaboso ang isang lalaki makaraang magnakaw ng diesel na nagkakahalaga ng P2,000 mula sa sasakyan sa Brgy. Payatas, Quezon City, Linggo ng gabi.
Sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD), nagsasagawa ng mobile patrol ang mga pulis nang mapansin nila ang suspek na “kahina-hinalang lumalabas” mula sa garahe ng isang bahay sa Villa Gracia compound sa kahabaan ng Payatas Road, pasado alas-9 ng gabi.
Kinilala ng pulisya ang suspek sa alyas Bernard, 28, ng nasabing barangay.
Ayon sa imbestigasyon, may dala umanong galon at container ang suspek kaya agad siyang nilapitan ng mga otoridad at dinala sa barangay hall para kuwestyunin.
Sinabi umano ng suspek na inutusan siya ng pamangkin ng may-ari ng sasakyan na kumuha ng diesel mula sa tangke ng sasakyan para gamitin sa backhoe operations ng kanilang kumpanya.
Gayunman, nang beripikahin ng mga pulis ang pahayag ng suspek, kapwa itinanggi ng may-ari ng sasakyan at ng kanyang pamangkin na nagbigay sila ng utos.
Kinumpirma rin umano ng mga ito na wala nang koneksyon ang suspek sa kanilang kumpanya.
Hindi naman pinangalanan ng QCPD ang kumpanyang sangkot at hindi rin ipinaliwanag kung paano umano nakuha ng suspek ang diesel mula sa tangke ng sasakyan.
Narekober naman sa posesyon ang galon na naglalaman ng 20 litro ng diesel.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya ang suspek habang hinihintay ang pagsasampa ng pormal na reklamo laban sa kanya.





Comments