top of page
Search
  • BULGAR

Kaya wa' paki sa mga may ayaw sa relasyon nila…ELLEN AT DEREK, TANGGAP NA NG PAMILYA NG ISA'T ISA

ni Melba R. Llanera - @Insider | February 27, 2021




Hangga't maaari ay ayaw nang kumpirmahin ni Derek Ramsay kung ano ang tunay na estado ng relasyon nila ni Ellen Adarna, pero kung tatanungin kung may espesyal silang damdamin para sa isa't isa, 'di naman itatanggi ng Kapuso hunk actor.


Aminado rin si Derek na isa si Ellen sa mga dahilan kung bakit gumigising at natutulog siya na inspirado at masaya.


Ayon nga kay Derek, sa kabila ng kabi-kabilang pambabatikos na tinatanggap nila mula sa napakaraming bashers ay malinis ang kunsensiya nila ni Ellen dahil alam nila na pareho silang malaya at walang nasasaktang ibang tao.


Aniya pa, nangyari ang lahat nang 'di pinlano kundi kusa na lang.

Puring-puri rin ni Derek ang pagiging hands-on na ina ni Ellen at kung gaano ito kaasikaso sa anak na si Elias na 'di nakikita ng marami. 'Pag gising na raw si Elias ay gising na rin si Ellen para asikasuhin ang anak.


Sa tanong namin kung wife material ba ang aktres, agad naman kaming sinagot ni Derek na sa nakikita niyang pagmamahal at pag-aaruga ni Ellen sa anak ay magiging isa itong mabuting asawa.


Malapit din sa loob ng aktor si Elias dahil bukod sa mahilig talaga siya sa bata ay natutuwa si Derek sa pagiging bibo, ismarte at mabait ng anak ni Ellen.

Maganda rin ang pagtanggap ng pamilya at mga kaibigan ni Derek kay Ellen. Nakilala na rin ni Derek ang ina ng aktres sa pamamagitan ng video call at sa sandaling matapos lang ang pandemya ay balak nilang magbiyahe pa-Cebu para personal na makilala ang pamilya ng aktres.

Sa huli ay nagpasalamat si Derek sa mga taong nagmamahal at sumusuporta sa kanila ni Ellen.

Mapapanood ang kabuuan ng eksklusibong interview namin kay Derek sa Cinema News At Home Edition sa darating na March 5 sa Cinema One.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page