Kaya umatras na sa singer… RYAN BANG, UMAMING ‘DI KINAYANG ILIBRE SA PAGKAIN ANG SUPER-DAMING KAMAG-ANAK NI YENG

ni Mercy Lejarde @Showbiz Talkies | November 21, 2026

Photo IG _cornerstone
This is it, pansit!
Naganap na nga ang much-awaited closure ng dating magkaibigang sina It’s Showtime (IS) host Ryan Bang at singer na si Yeng Constantino noong November 18 sa concert na Biyaheng Bente na ginanap sa Smart Araneta Coliseum.
Naging special guest si Ryan sa performance ni Yeng ng kantang Chinito, kung saan nagkaroon sila ng pagkakataong balikan ang ilang pangyayari sa kanilang nakaraan.
Sa panayam, ikinuwento ng IS host ang dahilan kung bakit niya noon na-seen zone ang singer.
Ani Ryan, bago pa siya umakyat sa stage para sa kanilang closure, nagpaalam muna siya sa asawa ni Yeng na si Yan Asuncion.
“I-explain ko sa ‘yo kung bakit ako nag-seen zone. Nagpaalam na ako kay Kuya Yan, sa asawa mo, bago ako umakyat dito para sa closure natin. Kasi kilala ko kayo, ‘wag ganu’n!” ani Ryan.
Binalikan ni Ryan ang panahong madalas silang kumain ni Yeng pagkatapos magsimba.
Kuwento niya, halos sampung beses na siyang inililibre ng singer, kaya naman nag-ipon siya mula sa kanyang P3,000 na suweldo para naman siya ang manlibre.
Ang twist, dumating ang mga kamag-anak ni Yeng mula Binangonan noong gabing siya na sana ang magbabayad.
Kuwento ni Ryan, “Puwede namang tayong dalawa lang, ang dami mong kamag-anak! Tapos, nu’ng gabi na ‘yun, sakto na ako ang magbabayad, abot ‘yung budget ko. Dumating ‘yung mga kamag-anak mo mula sa Binangonan.
“Nagdyo-joke lang ako ngayon pero ‘yung pakiramdam ko, ‘Ryan, kain ka pa. ‘Di ba masarap?’ Paano ako kakain, eh, binibilang ko ‘yung presyo! Nagpapawis ‘yung paa ko. Promise!”
Well, may kasabihan nga tayo na kung hindi ukol, hindi bubukol. At least, finally, may closure na.
‘Yun lang, and I thank you.
Tinanggalan ng appendix…
MICHELLE, MAY 3 HIWA SA TIYAN DAHIL SA OPERASYON
IBINAHAGI ng aktres-beauty queen na si Michelle Marquez Dee (MMD) sa kanyang Instagram (IG) post ang kanyang karanasan matapos sumailalim sa isang major surgery na hindi umano niya inaasahan.
Sa kanyang social media post, ikinuwento ni Michelle ang matinding pananakit sa ibabang kanang bahagi ng kanyang tiyan na naranasan niya noong November 9 habang papunta sa trabaho. Dahil dito, isinugod siya sa emergency room at sumailalim sa emergency appendectomy o pagtanggal ng appendix.
Ito rin ang unang pagkakataon na na-admit siya sa ospital. Tatlong hiwa naman ang ginawa sa kanyang tiyan bilang bahagi ng operasyon.
Sa kabutihang-palad, naging maayos ang operasyon at tuluy-tuloy naman ang kanyang paggaling.
Ganunpaman, pinayuhan siya ng kanyang medical team na sundin ang itinakdang panahon ng kanyang recovery, iwasan muna ang mabibigat na gawain at huwag piliting gawin ang mga aktibidad na maaaring makasama sa kanyang kondisyon.
Aminado rin si Michelle na hindi niya maaaring madaliin ang kanyang paggaling dahil maaari itong magdulot ng pangmatagalang komplikasyon.
“Kilala n’yo naman ako. Dapat buo, ‘di kalahati ang mga laban sa buhay,” pahayag ng aktres.
Sa kabila nito, labis ang pasasalamat ni MMD sa kanyang pamilya, mga kaibigan, fans at lahat ng patuloy na nag-aalala at nagpapakita ng suporta sa kanya habang nagpapagaling.
“All in God’s time. Always in all ways,” dagdag pa niya.
Take it easy muna, Queen Michelle. Your health should always come first. Get well soon.
Mga katutubo, mawawalan daw ng tirahan… ANGELU, PINALAGAN ANG PAGTATAYO NG PAX SILICA
NAGLABAS ng saloobin ang aktres-pulitiko na si Angelu De Leon kaugnay ng Pax Silica (pagpapatayo ng mga artificial intelligence hubs) at sa tila kawalan ng pakialam ng ilang taong ipinagmamalaki ang kultura ng mga katutubo ngunit hindi pinapansin ang pakikipaglaban nila para sa kanilang lupang ninuno sa Tarlac.
Aniya, “Ipinagmamalaki ang kanilang kultura, pero ipinaglalaban naman nila ang kanilang tahanan.
“Nakakalungkot isipin na ipinapakita sa buong mundo ang mayamang kultura ng mga katutubo natin sa mga bisita, ngunit sa kabilang banda, may mga katutubong patuloy na nakikipaglaban para sa kanilang lupang ninuno.
“Ipinagdiriwang ang kanilang kultura, ngunit tila ‘di napapakinggan ang kanilang mga hinaing at pakikibaka.
“‘Di sapat na kilalanin, ipagmalaki at ipakita sa mundo ang kanilang tradisyon, kasuotan, sayaw at mga paniniwala. Dapat ding igalang ang kanilang mga karapatan, pakinggan ang kanilang boses at pangalagaan ang lupang matagal na nilang tinatawag na tahanan.
“Ang tunay na pagpapahalaga sa kultura ay hindi lamang sa pagpapakita nito sa mundo, kundi sa pagtatanggol sa mga taong bumubuhay at nagpapanatili nito.
“Dahil ang kultura ay ‘di lamang isang palabas. Ito ay pagkakakilanlan, kasaysayan at karapatan.”
Well, big tumpak ka r’yan, Angelu!
Ang tunay na pagpapahalaga sa kultura ay dapat nakikita rin sa paggalang sa karapatan ng mga katutubo.





Comments