Search
  • BULGAR

Kaya Iloilo, sasabak sa group stages sa Singapore ng 2021 AFC Cup

ni Anthony E. Servinio - @Sports | March 3, 2021





Napili na ng Asian Football Confederation (AFC) ang mga bansa na magsisilbing punong abala sa group stages ng 2021 AFC Cup. Isa rito ang Singapore kung saan gaganapin ang mga laro sa Grupo I na kinabibilangan ng Kaya Iloilo ng Philippines Football League (PFL).


Haharapin ng Kaya ang Geylang International ng Singapore, Terengganu ng Malaysia at Shan United o Ayeyawady United ng Myanmar sa isang single round robin mula Hunyo 22 hanggang 28. Maliban sa Grupo 1, kasabay gaganapin din sa Singapore ang mga laban sa Grupo H ng kanilang Lion City Sailors, Saigon ng Vietnam, Kedah Darul Aman ng Malaysia at ang magwawagi sa playoff sa pagitan ng Persipura Jayapura ng Indonesia, Visakha ng Cambodia at Lalenok United ng Timor Leste.


Bago ang AFC Cup, sisikapin ng Kaya na makapasok sa 2021 AFC Champions League kontra sa Brisbane Roar ng Australia sa Abril 7. Kung papalarin ang mga Pinoy ay magiging tatlo na lang ang maglalaro sa Grupo 1 at hindi sila papalitan ng ibang koponan ng PFL.


Hindi pa tiyak kung saan gaganapin ang mga laro sa Grupo G sa pagitan ng Hanoi ng Vietnam, Bali United ng Indonesia, Boeung Ket ng Cambodia at ang mananalo sa playoff ng Hanthawady United ng Myanmar, Chanthabouly ng Laos at Kasuka ng Brunei. Sa mga nakaraang taon, umiikot ang mga laro ng AFC Cup sa lahat ng kalahok na bansa subalit nagbago ito sa gitna ng kasalukuyang krisis sa kalusugan.


Ang mga kampeon ng Grupo G, H at I at ang may pinakamataas na kartada sa tatlong pumangalawa ay papasok sa ASEAN Semifinals sa Agosto 10 at susundan agad ng ASEAN Finals sa Agosto 25. Kung magwawagi ang Kaya, may posibilidad na dalhin ang mga laro sa Pilipinas.


Ang iba pang napiling magsilbing punong abala ay ang Bahrain (Grupo A), Jordan (Grupo B at C), Maldives (Grupo D), Kyrgyzstan (Grupo E), Tajikistan (Grupo F) at Hong Kong (Grupo J). Mas maraming koponan ang sumali ngayong taon matapos magdagdag ng isa pang grupo para sa Gitnang Asya o mga dating republika ng Soviet Union.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2021 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.