top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Kaya FC, solo lider na vs. Mendiola sa PFL

Writer: BULGAR
BULGAR
Aug 22, 2022
2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | August 22, 2022



Nag-iisa na ang Kaya FC Iloilo sa taas ng 2022-2023 Philippines Football League (PFL) handog ng Qatar Airways matapos ang walang-awang 6-1 panalo sa Mendiola FC 1991 sa pagwawakas ng ikatlong linggo ng aksiyon Sabado sa Rizal Memorial Stadium.


Nakatulong sa Kaya ang pagtabla ng defending champion United City FC at Dynamic Herb Cebu FC, 1-1, sa sumunod at huling laban.


Buong tapang na ipinasok ni JB Borlongan ang nagpatablang goal para sa Dynamic Herb sa ika-88 minuto. Ginawaran sila ng free kick matapos ang foul malapit sa goal at ipinalipad ni Borlongan ang bola lampas sa hanay ng mga bantay at hindi ito napigil ni United City goalkeeper Jun Badelic.


Nakaunang goal para sa United City si Mark Hartmann sa ika-71 at akala ng mga kampeon na makakamit ang ikatlong sunod na panalo at pumantay sa Kaya subalit may ibang plano ang mga Cebuano. Walang goal sa first half bunga na rin ng mahusay na laro nina Badelic at kanyang katapat sa Cebu na si Ace Villanueva.


Umarangkada ang Kaya sa kanilang ikatlong sunod na tagumpay at manatling malinis na may siyam na puntos sa tatlong laro. Kahit unang nabutas ni Aron Altiche ng Mendiola ang goal sa ika-22 minuto, ito ay ay pumukaw lang sa damdamin ng Kaya at sinimulang ratratin ang kalaban.


Sa unang laro, lalong ibinaon ng Azkals Development Team ang Maharlika Manila FC sa pinakailalim ng liga sa bisa ng 4-0 tambakan. Sumandal ang Azkals sa mga goal nina Andres Aldeguer, Dominic Tom, Stephan Schrock at Chester Pabualan para sa kanilang unang panalo.


Mga laro sa Linggo – Rizal Memorial Stadium 4:00 PM United City vs. Azkals Development

7:00 PM Kaya Iloilo vs. Maharlika Manila


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page