Kaya FC Iloilo kontra Shandong Taishan sa AFC
- BULGAR
- Sep 19, 2023
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | September 19, 2023

Laro ngayong Martes - Rizal Memorial Stadium
8:00 p.m. Shandong v. Kaya Iloilo
Magbabalik ang Kaya FC Iloilo sa pinakamataas na antas ng club pro Football sa kontinente sa pagsabak nila kontra sa bisita Shandong Taishan ng Tsina sa pagbubukas ng 2023-2024 AFC Champions League. Sisipa ang aksiyon simula 8:00 ng gabi sa Rizal Memorial Stadium sa makasaysayang pinakaunang opisyal na laro sa Pilipinas ng group stage ng prestihiyosong torneo.
Susubukan ng mga kampeon ng 2023 Philippines Football League (PFL) ang kanilang kakayahan sa mga bisita na pumasok sa torneo matapos pumangalawa sa 2022 Chinese Super League. Kasalukuyang maganda ang porma ng Shandong at tumatakbo silang pangalawa sa 2023 CSL na may 47 puntos buhat sa 13 panalo, walong tabla at apat na talo.
Para kay bagong talagang coach Colum Curtis, umaasa siya na magbubunga ang anim na linggo nilang pagsasanay. Sa kasalukuyang Copa Paulino Alcantara, gumagamit ang Kaya ng iba't-ibang mga kombinasyon ng manlalaro sa kanilang apat na laro kaya mahirap hulaan kung sino ang kanilang isasalang.
Iikot muli ang torneo sa mga tahanan ng mga koponan sa loob ng dalawang round o tig-anim na laro. Bunga ng pandemya, napilitan ganapin sa isang lugar ang lahat ng mga laro.
Dadalaw ang Kaya sa iba pang kalaro sa Grupo C na Yokohama F Marinos na kampeon ng 2023 J1 League ng Japan sa Oktubre 3 at Incheon United ng K1 League ng Timog Korea sa Oktubre 25. Pagsapit ng Round Two sa Nobyembre ay sila naman ang bibisita sa Pilipinas at lalakbay ang Kaya sa Tsina.
Huling lumahok ang Kaya sa 2021 ACL kung saan natalo sila sa lahat ng anim na laro kontra BG Pathum ng Thailand, Ulsan Hyundai ng Timog Korea at Viettel ng Vietnam.
Noong nakaraang taon, lumaban sila sa AFC Cup subalit yumuko sa tatlong laro sa Bali United ng Indonesia, Kedah Darul Aman ng Malaysia at Visakha ng Cambodia.








Comments