top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Kawalan ng sistema sa pila ng PUVs, pakiayos naman!

BULGAR
Mar 26, 2022
2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | March 26, 2022


Ilang linggo matapos ipatupad ang Alert Level 1, kapansin-pansin ang maraming pagbabago.

Sa ilalim kasi ng pinakamaluwag na alert level, pinapayagan ang 100% kapasidad sa mga pampublikong sasakyan at establisimyento.

Kaya tulad ng inaasahan, dagsa ang tao sa mga mall at restoran, gayundin, punuan ang mga pampublikong sasakyan.

Bagama’t pabor ito sa nakararami, may reklamo naman ang ilang komyuter, tulad na lamang ng kawalan ng social distancing sa pila ng bus sa kahabaan ng Commonwealth Avenue. Bukod pa rito, problema rin umano ng karamihan sa mga babae ang balyahan ng mga komyuter na nag-uunahan sa pagsakay sa bus. Kaya naman anila, mas maigi kung may pila para maiwasan ang balyahan sa sakayan.

Gayunman, ito ang dahilan kaya pumoste ang ilang traffic personnel sa lugar upang kahit paano’y magkaroon ng sistema sa pila, ngunit may ilan pa ring pasahero na humahabol sa mga bus para makasakay.

Umpisa pa lang, marami nang nagpahayag ng pagkabahala sa kawalan ng social distancing sa mga pampublikong sasakyan.

Pero dahil pinapayagan, no choice ang mga pasahero kung punuan ang sasakyan, lalo pa’t paraan din ito upang madagdagan ang kita ng mga PUV drivers. ‘Yun nga lang, minsan ay sobra na dahil bukod sa balyahan, halos umaapaw na ang mga sasakyan. Bagay na talagang nakakabahala dahil posibleng pagmulan ng hawahan.

Batid nating aprubado na ang full capacity sa PUVs, pero sana’y magkaroon ng maayos na sistema mula sa pagpila sa sakayan hanggang sa makasakay at makabiyahe.

Nakita natin ang kahalagahan ng pagkakaroon ng maayos na sistema, lalo na sa mga pila sa pampublikong sasakyan. Naiiwasan ang balyahan at singitan, gayundin, panatag ang mga pasahero ligtas silang makakabiyahe.

Kaya paalala sa mga kinauukulan, ‘di pa tapos ang problema sa transportasyon dahil may mga kailangan pa rin tayong solusyunan.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page