Katataas lang ng LPG, next agad ang Diesel, oil companies masyadong binebeybi
ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | October 02, 2023
P-BBM MAY ‘BALLS’ VS. CHINA, EX-P-DIGONG TIKLOP -- Si Pres. Bongbong Marcos (P-BBM) bilang commander-in-chief ang nag-utos tanggalin ang floating barrier na inilagay ng China sa Scarborough Shoal na sakop ng West Philippine Sea (WPS), at ayon sa presidente kung paulit-ulit na maglalagay ng floating barrier ang China sa dagat na sakop ng Pilipinas, ay paulit-ulit din daw niyang ipag-uutos sa Philippine Coast Guard (PCG) na tanggalin ito para sa kapakanan ng mga kababayan nating mangingisda na nangingisda sa dagat ng ‘Pinas.
Buti pa si P-BBM may “balls” na magpakita ng tapang laban sa China, pero noong panahon ng Duterte administration, na presidente noon na si ex-P-Digong, tiklop sa China, boom!
◘◘◘
KATATAAS LANG NG PRESYO NG LPG, SINUNDAN AGAD NG PAGTAAS NG PRESYO NG DIESEL -- Kahapon, October 1 ay tumaas ng P4 ang kada kilogram ng isang tangke ng liquefied petroleum gas (LPG), at may nagbabadya na namang 20 sentimo hanggang 40 sentimo na dagdag-presyo sa kada litro ng diesel.
Masyado namang binebeybi ng mga opisyal ng Dept. of Energy (DOE) at Energy Regulatory Commission (ERC) ang mga oil companies, kasi sa kada hirit ng mga ito sa dagdag-presyo ng mga produktong petrolyo, eh aprub nang aprub ang mga DOE at ERC officials, mga buset!
◘◘◘
DAPAT KASUHAN DIN NG KSMBP ANG MGA VLOGGERS AT LAOS NA ARTISTANG NAGPO-PROMOTE NG ONLINE SABONG AT IBA PANG ONLINE ILLEGAL GAMBLING -- Sinampahan ng Kapisanan ng mga Social Media Broadcaster ng Pilipinas (KSMBP) ng kasong cybercrime ang vlogger na si Toni Fowler dahil kumanta raw ito ng may halong kabastusan at nagpakita pa ng mga sex organs na kanyang ipinost sa social media.
Sana, hindi lang ang tulad ni Toni Fowler na nagpapakita ng kabastusan sa social media ang sampahan ng cybercrime ng KSMBP, kundi pati ang mga vloggers at mga artistang laos na nagpo-promote ng online sabong at iba pang online illegal gambling sa Facebook at YouTube para matigil na ang kanilang mga bad na gawain sa social media, period!
◘◘◘
HINDI LANG “IT’S SHOWTIME”, DAPAT PATI “E.A.T” PATAWAN DIN NG 12 DAYS SUSPENSION -- Sabi ni comedian/talent manager Ogie Diaz ay mas mabigat daw ang “lubid” joke ni E.A.T TV host Joey de Leon kaysa sa cake icing na iniisyu sa mag-dyowang Vice Ganda at Ion Perez.
Sinuspinde ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ng 12 days ang noontime show na “It’s Showtime” dahil daw sa kalaswaang ginawa nina Vice Ganda at Ion sa pagkain ng icing gamit ang kanilang mga daliri, at sa parte naman ng noontime show na “E.A.T” ay sinabi naman ni Joey de Leon na ang lubid daw ay ginagamit panlagay sa leeg o ginagamit pambigti.
Kulang na lang sabihin ni Ogie Diaz na kung sinuspinde ng MTRCB ng 12 days ang “It’s Showtime”, ay dapat suspendihin din ng 12 days ang “E.A.T”, boom!





Comments