Kasong statutory rape, posible sa karelasyon ng teenage mom
ni Ryan Sison @Boses | Pebrero 11, 2023
May posibilidad na humantong sa kasong statutory rape ang nangyayari sa kasalukuyan sa mga kabataang babae, kasabay ng pagdami ng mga nagiging batang ina.
Ito ang binigyang-diin ni Senator Sherwin Gatchalian, dahil sa naoobserbahan ngayon ng pagkakaroon ng “trend”, mula na rin sa mga datos na ibinigay ng Philippine Statistics Authority (PSA), kung saan lumalabas na halos 10 porsiyento ng mga partner ng teenage mom ay 10 taon ang tanda sa mga ito.
Paliwanag ng senador, teenager pa ang mga babae, subalit ang kanilang karelasyon o boyfriend ay matanda sa kanila ng 10 taon at higit pa.
Batay sa Republic Act 11648, na nilagdaan noong Marso 2022, tumutukoy dito ang krimen ng statutory rape at pagtaas ng edad ng sexual consent mula edad 12 hanggang 16.
Ayon kay Gatchalian, nakasaad sa batas na kung matanda na ang isang lalaki at makikipagtalik sa isang teenager, makukulong siya alinsunod sa naturang batas dahil ikinukonsidera ito bilang rape.
Giniit pa ng mambabatas na dapat ding paigtingin ng kapulisan ang kanilang pagmomonitor sa mga ganitong kaso kaugnay ng Violence Against Women and Children’s Desk dahil posibleng ang mga partner ng teen moms ay makasuhan.
Bukod sa mga report ng pagdami ng mga teenage mom, naitala na rin ang Pilipinas bilang may pinakamaraming kaso ng teenage pregnancy sa Asya, ayon sa United Nations Population Fund (UNFPA).
Nakakabahala sa ating mga anak na babae na sa kanilang murang edad ay napapasok agad sa mga relasyon na umaabot pa sa pagbubuntis at nagreresulta sa pagiging batang ina.
Marahil, madali kasi silang maniwala at magtiwala sa mga tao.
Paggabay at lubos na pag-aalaga ng mga magulang, komunidad at maging ng ating gobyerno ang kinakailangan para sa kanila upang hindi sila humantong sa buhay na kanilang pagsisisihan sa bandang huli.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.co





Comments